Ni: Betheena Kae Unite

Nagbabala kahapon ang Bureau of Customs (BoC) sa publiko na mag-ingat sa online love scams na isinasagawa ng mga estranghero na nambibiktima ng local at foreign netizens na nangangako ng fake love, kung anu-anong pambobola, at mga package kapalit ng pera.

Una, kakaibiganin nila kayo, magkukunwaring in-love sa inyo, at tsaka mangangako na magpapadala ng package na naglalaman ng signature bags at gadgets.

Ang kasunod ay ang paghingi nila ng libu-libong pera upang mai-release ang package na sasabihing hindi mailabas sa Customs.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“If things are too good to be true, get out, that’s a trap,” babala ni Customs Commissioner Isidro Lapeña.

Sinabi ni Lapeña nitong Huwebes na nakatanggap siya ng reports hinggil sa dumaraming insidente ng online scam kabilang na ang love scam.

Sinabi niya na nakatanggap ang bureau ng reklamo kamakailan mula sa babaeng taga-Pangasinan na nabiktima ng scam ng internet sweetheart na nakipagkaibigan muna at nangakong padadalhan siya ng package ng signature bags at gadgets.

Sinabi ng biktima na natangayan siya ng P30,000 ng nagpakilalang Jenalyn Miranda para mai-release ang package na sabi nito ay nakaimbak sa Customs, pero pagkatapos bayaran si Miranda sa pamamagitan ng money transfer, ang mga suspek ay humingi ng karagdagang P80,000 upang mai-release na ang package.

Ayon kay Lapeña, and helpdesk ng BoC-CARES ng Customs ay tumanggap na ng kabuuang 1,263 reports at inquiries tungkol sa iba’t ibang online scams simula Enero hanggang Setyembre 2017.

Sa mga ito, mayroong 412 reports via phone calls; 159 via emails; samantalang ang 692 ay nagreklamo sa pamamagitan ng social media.

Gayunpaman, hindi pa masabi kung alin ang verified at unverified scam dahil ang mga nagrereklamo ay hindi na nagbigay pa ng karagdagang mga detalye sa mga nangyari sa kanila, ayon sa BoC.

Napag-alaman sa records na ang mga pangalan na kadalasang ginagamit ng scammers ay Danica Mae Chavez, James Henry, John Deck, George, Ben Anthony, Jojit Padilla, Luzviminda, Michael Wilson, Lea Gomez, Edward, Jenalyn, Karren, at Rowena.

Ang karaniwang ginagamit na couriers naman ay ang SpeedEx Cargo, Speed Cargo, Global Express Cargo, Skyline Delivery Express, Express Cargo, Blue Express, Airtrack Cargo, United Global, Alpha Blink, Sky Express, Quick Cargo, Oceanic Delivery, ABC Cargo, Unifed, Link Up Freight, ECC Cargo, ACC Cargo, at Union Cargo.

Ang madalas namang gamiting platforms ng scammers ay ang online dating sites, social media sites tulad ng Facebook at Twitter, o sa pamamagitan ng phone calls, text messages, at emails, ayon sa Enforcement and Security Service ng BoC.