Ni: Beth Camia at Rommel Tabbad

Umakyat na sa siyam na katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong ‘Paolo’ sa Zamboanga Peninzula.

Batay sa tala ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 9, pito ang nasawi sa Zamboanga City habang dalawa naman sa Zamboanga del Norte.

Una na ring isinailalim sa state of calamity ang Zamboanga City dahil sa mga baha at pagguho ng lupa na dulot ng malakas na ulan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nasa state of calamity din ang bayan ng Siakol sa Zamboanga del Norte, at ang Dumaguete City sa Negros Oriental.

Tinaya sa P30 milyon ang napaulat na pinsala ng bagyo sa imprastruktura ng Dumaguete.

Umapaw ang isang ilog at gumuho ang lupa sa Kumalarang, Zamboanga del Sur, habang mahigit 500 pamilya ang inilikas dahil na matinding baha sa Buug, Zamboanga Sibugay.

Lubog din sa baha dahil sa walang humpay na pag-uulan ang mga bayan ng Malangas, Imelda, Isay, at Tumangan sa Zamboang Sibugay.

Samantala, inihayag kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tinutumbok ng Paolo ang direksiyon ng Japan dahil inaasahan nang lalabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo ngayong Linggo.

Nagbabala rin ang PAGASA na makararanas pa rin ng malakas na pag-ulan ang Visayas, Cagayan Valley, Ilocos Region, Bicol Region, Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan Region, at Zamboanga Peninsula.

Kaugnay nito, tuluyan nang nalusaw ang low pressure area (LPA) na unang namataan sa Palawan.