Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at JUN FABON

Isang lalaki ang nasawi at 18 iba pa ang nasugatan nang magkarambola ang siyam na sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Chief Insp. Roldante Sarmiento, hepe ng Quezon City Police District (QCPD)-Traffic Sector 5, ang nasawi na si Dominador Petralve Caina, 48, janitor, ng Lucas Street, Sto. Niño, Barangay Payatas-A, Quezon City.

Si Petralve ay binawian ng buhay sa East Avenue Medical Center, kung saan ginagamot din ang mga nasugatan, na ang iba ay isinugod sa Quezon City General Hospital.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Batay sa report, matulin umanong binabaybay ng Fermina Express Bus (ABD-7702), na minamaneho ni Miel Cervantes, 50, ang Commonwealth Avenue patungong Fairview bandang 9:30 ng gabi nang mawalan umano ito ng preno at biglang salpukin ang likuran ng nakahintong Toyota Fortuner, na minamaneho ni John Angelo Taunan, 26, nurse.

Nang kumabig pakanan, nabangga ng bus ang likuran ng pampasaherong jeepney (DFC-511) na minamaneho ni Danilo Monroyo, 40, at nasugatan ang 14 na pasahero nito, kabilang si Petralve.

Dahil sa impact, umabante ang jeep at nahagip nito ang nakahintong Toyota Innova, na bumangga naman sa isang Toyota Vios.

Samantala, tuluy-tuloy sa pagtakbo ang Fermina Express bus hanggang masalpok ang nakahintong Renan Bus, na minamaneho ni Engracio Rivera Jr., 47, bago bumangga sa isa pang jeepney (TGD-718).

Nasalpok naman ng Renan Bus ang isang motorsiklo at isang Mitsubishi Adventure, samantalang nabangga ng Vios ang sinusundan nitong Isuzu Crosswind.

Nabangga ng Renan Bus ang dalawang pedestrian na kinilalang sina Sherilyn Angeles, at Glaiza Mercado, kapwa 30-anyos, na naghihintay lang noon ng masasakyan.

Nahagip din ng bus ang tindero ng mineral water na si Allan Cruz, 36, samantalang kinilala ang iba pang nasugatan na sina Frenz Keith Goze, 19; Sweden Retanan, 22; Honey Jean Feria, 22; Sharlene Docog 22; Jacob Epifanio, 35; Randy Elardo, 36; Jomar Zarate, 26; Lorena Gallevo, 22; Angel Sinlao, 22; Bernard Joseph Aguilar, 34; Rhency Raviz, 21; Kristina Gubutan, 20; Leilani Bauto; at Anthony Bauto.

Inaresto si Cervantes, na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property with homicide and multiple physical injury.