Ni: Clemen Bautista

MATAPOS mapatay ng militar sa ground assault ang dalawang Maute-ISIS leaders na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute sa apat na oras na bakbakan sa Marawi City noong Oktubre 16, ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang Marawi mula sa mga kamay ng mga terorista.

Agad nagtungo ang Pangulo sa Marawi City upang personal na batiin ang mga sundalo at pulis at kilalanin ang kanilang kabayanihan.

“Ladies and gentlemen, I hereby declare Marawi City liberated from terrorist influence. Mga mahal kong sundalo, ang problema ko, ang nasugatan ngayon marami ‘yun. Sinasabi ko sa inyo ngayon, walang iwanan. Ipupuwesto ko silang lahat,” sabi ng Pangulo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Habang nagbibigay ng pahayag ang Pangulo, manaka-naka pa ring naririnig ang mga putok ng baril sa paligid ng Marawi City.

Ang kalayaan ng Marawi City ay simula na rin ng rehabilitasyon. Wala nang babalikang bahay ang mga taga-Marawi na nasa mga evacuation center at ang iba’y pansamantalang nakituloy at nakitira sa bahay ng kanilang mga kamag-anak sa ibang bayan na karatig ng lungsod ng Marawi.

Sinabi naman ng militar, matapos mapatay ang dalawang lider ng Maute-ISIS, na patuloy silang makikipaglaban hanggang may 20-30 pang terorista at may 20 pang bihag.

Ayon kay Col. Romeo Brawner, Jr., deputy commander ng military taskforce na lumaban sa mga terorista, “We are going to get them very soon, we’re making sure no hostages and fighters are left”.

Idinagdag pa ni Col. Brawner na, “We cannot really say that the area is 100 percent cleared. Even when World War II ended and liberation had been declared, fighting continued. That is also what’s happening in Marawi City.”

Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang kalayaan ng Marawi City. Ayon kay Armed Forces Chief of Staff Gen. Eduardo Año, na nagkumpirma sa pagkakapatay sa dalawang Maute-ISIS leader at sa lima pang tauhan nito, tuluy-tuloy ang isinasagawang operasyon dahil may nalalabi pang terorista sa Marawi na sa tantya niya ay 20 na lamang. Habang nagpapatuloy ang operasyon ng militar, ang mga natitira pang tauhan ng Maute-ISIS group ay patuloy na nauubusan ng mga pagkain at bala.

Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi kaagad babawiin ang ipinatutupad na batas militar sa Mindanao sa pagkakapatay kina Maute at Hapilon. “We are not talking about the lifting martial law yet, tingnan pa natin. We are only looking in the immediate aftermath of the killing of these two leaders. We may see, sabi ko nga, we may be lifting, I mean announcing the cessation of hostilities within this week and then after that we will find out,” ani Lorenzana.

May ilang alagad ng Simbahan na nagsabing sa paglaya ng Marawi City, umaasa sila na masisimulan na agad ang rehabilitasyon upang makabalik na roon ang mga residente at muling makapamuhay nang normal.

Ayon naman kay Father Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi matatapos ang terorismo sa pagkakapatay kina Hapilon at Maute.

Edukasyon at ang pagpapaunlad sa Mindanao ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan sapagkat makatutulong ang mga ito sa paghadlang sa terorismo.