NI: Mary Ann Santiago

Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na naisilbi na ng kagawaran ang notice to terminate sa kumpanyang Busan Universal Rail, Inc. (BURI) na maintenance provider ng Metro Rail Transit Line (MRT)-3.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na Oktubre 17 pa nang isilbi nito ang naturang notice sa BURI para sa kontrata ng huli sa MRT.

Nagpasya ang kagawaran na i-terminate na ang kontrata ng naturang service provider dahil sa poor performance at sa kabiguang tiyakin ang sapat na bilang ng bibiyaheng maayos na tren.

Metro

Panaderong naipit ang braso sa makinang pangmasa, nabalian ng buto!

Sinabi pa ng DOTr na bigo rin umano ang BURI na ipatupad ang maayos na pagbili ng spare parts ng mga tren, na nakaaapekto sa kakayahang magkumpuni ng mga sirang tren at ng iba pang pasilidad ng MRT-3 system.

Nakasaad din sa notice na bigo ang BURI na tumalima sa requirement para sa kumpleto at up-to-date computerized maintenance management system.

Binigyan ng DOTr ang kumpanya ng pitong araw para sagutin ang notice, at may sampung araw naman ang kagawaran para desisyunan kung maglalabas o hindi ng order to terminate sa kontrata ng BURI.