Ni: PNA
NANANAWAGAN ang Department of Health (DoH) sa mga magulang na isailalim ang kanilang mga sanggol sa newborn screening (NBS) program para sa maagang pagtukoy ng sakit na maaaring mauwi sa hindi maayos na paggana ng utak at pagkamatay ng bagong silang.
Inihayag ni Dr. Reynilyn Reyes, hepe ng Family, Health and Nutrition Cluster sa DoH-Western Visayas na ang NBS program ay hindi lamang screening. “It is a system that screens children, evaluates, follows up and gives diagnosis.
The most important is that they are being managed when found positive,” aniya.
Saklaw ng standard NBS ang anim na sakit, ngunit ang bagong iniaalok ng programa ay maaaring makatukoy ng aabot sa 28 sakit.
Kabilang sa standard NBS disorders ang congenital hypothyroidism, congenital adrenal hyperplasia, galactosemia, phenylketonuria, maple syrup urine disease, at glucose-6-phosphate-dehydrogenase deficiency.
Saklaw naman ng expanded ang standard NBS ang pagtukoy sa hemoglobin-pathies, amino acid disorders, organic acid disorders, at fatty acid oxidation disorders.
“We wanted to delay or reduce developmental delays among children,” ani Reyes.
Ibinunyag sa datos ng DoH na noong Hulyo 2017, mayroong 379 na positibong kaso sa Western Visayas. Ang pinakamarami rito ay naitala sa Negros Occidental, na may 158 kaso, at sa Iloilo na mayroong 111. Mayroong 27 kaso sa Aklan, 51 sa Capiz, 23 sa Antique, at siyam sa Guimaras.
“These children really look normal upon birth. The newborn screening detects those that cannot be seen by the naked eye by just a drop or couple of drops of blood,” sabi ni Reyes.
Dapat na sumailalim sa screening ang mga bata sa loob ng 24 oras hanggang isang linggo pagkasilang.
“We need more advocacy telling them of the importance of screening,” aniya.
Aniya, ilan sa mga suliraning kinakaharap ng NBS program ay ang kawalan ng saklaw sa PhilHealth sa kaso ng mga ina, ang mataas na bahagdan ng maagang nagbubuntis, at kawalan ng kits para sa NBS bilang bahagi ng operational issues.