NATUKLASAN sa huling survey report ng Pulse Asia nitong Lunes na 88 porsiyento ang nagpahayag ng suporta sa war on drugs ng gobyerno, subalit 73 porsiyento ang naniniwala na nagkaroon ng extrajudicial killings (EJKs) sa mga naging operasyon ng pulisya.
Sa survey naman ng Social Weather Stations, natukoy na 77 porsiyento ng respondents nito ang kuntento sa pagpapatupad sa nasabing kampanya kontra droga. Natuklasan din ng SWS na nananatiling mataas ang kumpiyansa sa performance ni Pangulong Duterte, sa naitalang 75 porsiyento.
Malinaw sa nasabing mga bilang na patuloy na sinusuportahan ng bansa ang kampanya ni Pangulong Duterte kontra droga, at nananatili ang respeto ng bansa sa kanya dahil dito. Subalit mayroong mga seryosong isyu na nalalantad sa pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) sa nasabing kampanya, partikular na sa mga pagpatay na nagsasantabi sa umiiral na proseso ng pulisya at ng batas. Iginiit ng PNP na pawang lehitimo ang lahat ng operasyon nito. Pero iba ang pinaniniwalaan ng publiko, batay sa resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing 73 porsiyento ang naniniwalang may mga patayang nagaganap.
Mismong si Pangulong Duterte marahil ay may duda sa record ng PNP. Binawi niya sa PNP ang pagpapatupad ng kampanya kontra droga at sa halip ay itinalaga ang Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) upang pangunahan ang kampanya.
Gayunman, sa kabuuan ng mga tauhang aabot lamang sa 1,800, kapos ang PDEA sa mga operatiba at maging sa pondo upang ipatupad ang kampanya sa buong bansa; kakailanganin nito ng ayuda ng PNP, ng National Bureau of Investigation, at ng iba pang ahensiyang tagapagpatupad ng batas sa bansa.
Samantala, tututukan naman ng PNP ang kampanya nito laban sa krimen, partikular na ang maraming patayan na isinasagawa ng mga armadong lulan o magkakaangkas sa motorsiklo. Kailangan din nitong linisin ang hanay ng pulisya laban sa mga tiwali o scalawags, na nakasisira sa imahe ng PNP.
Binanggit kamakailan ni Sen. Grace Poe, vice chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na mayroong Internal Affairs Service (IAS) ang PNP na tungkuling tukuyin at sibakin sa serbisyo ang mga tiwaling pulis.
Ngunit sa totoo lang, aniya, ito ay “ill equipped and undermanned”. Ayon sa senadora, ang IAS ay mayroon lamang 22 abogado para hawakan ang mga kaso ng 1,850 pulis na iniimbestigahan sa iba’t ibang paglabag sa proseso ng mga anti-drug operation. Nagpanukala rin si Poe na dagdagan ang P138.5-milyon budget nito upang makapagdagdag ng mga tauhan at makabili ng kagamitan, gaya ng mga computer at mga sasakyan.
Magpapatuloy ang kampanya kontra droga; suportado ito ng mamamayan, batay na rin sa mga resulta ng huling survey.
Subalit dapat na ipatupad ang drug war nang may pagsasaalang-alang sa prosesong legal at may mataas na respeto sa buhay ng tao at sa karapatang ng bawat isa.