Ni: AFP
INIHAYAG ng Twitter ang mga bagong regulasyon sa pagti-tweet ng “non-consensual nudity” at sexual harassment, na maaaring bunsod ng Harvey Weinstein abuse scandal.
Ipatutupad ang mga bagong patakaran sa susunod na mga linggo, sinabi ng Twitter sa isang pahayag matapos na mag-post ng sunud-sunod na tweets ang co-founder ng kumpanya na si Jack Dorsey nitong Biyernes tungkol sa pagbabago sa polisiya.
Ang social media giant na nakabase sa San Francisco “immediately and permanently suspend any account we identify as the original poster/source of non-consensual nudity and/or if a user makes it clear they are intentionally posting said content to harass their target,” lahad sa pahayag.
Para sa Twitter, saklaw ng “non-consensual nudity” ang “content like upskirt imagery”, “creep shots”, at “hidden camera content”.
Dahil hindi alam ng mga taong nasa mga litrato, “[they] often do not know the material exists, we will not require a report from a target in order to remove it,” saad pa sa pahayag.
Ayon pa sa Twitter, bagamat kinikilala nito na mayroong “an entire genre of pornography dedicated to this type of content, it’s nearly impossible for us to distinguish when this content may/may not have been produced and distributed consensually.”
“We would rather error on the side of protecting victims and removing this type of content when we become aware of it,” pagpapatuloy pa ng pahayag.
Sinabi rin ng Twitter na ang malalaswang usapan at palitan ng mga sexual media ay “unacceptable”, at nangakong gagawa ng karampatang aksiyon kapag naiulat sa kanila ang naturang palitan ng mensahe.
Ang pahayag ng Twitter ay kasunod ng pansamantalang suspensiyon ng account ni Rose McGowan, ang Hollywood actress na nagbunyag na ginahasa umano siya ni Weinstein.
Nasuspinde ang account makaraang mag-post ni McGowan ng obscenity na tumutukoy sa aktor na si Ben Affleck, na ayon sa kanya ay nagsinungaling tungkol sa pagiging ignorante hinggil sa kasaysayan ng seksuwal na pang-aabuso ni Weinstein.
Gayunman, sinabi ng Twitter na nasuspinde ang account ni McGowan dahil hindi ito sumunod sa mga regulasyon ng Twitter, kabilang ang paglalagay ng personal na phone number sa tweet.
Natanggal si Weinstein sa kanyang trabaho bilang co-chairman ng The Weinstein Company noong Oktubre 8, at nag-resign mula sa company board of directors nitong Martes.
Apatnapung aktres pa, kabilang sina Gwyneth Paltrow, Angelina Jolie, at Mira Sorvino, ang umamin na rin na minolestiya umano sila ng Hollywood film producer.
Bumaha ang mga rebelasyon nang magsalita ang kababaihan sa mundo, sa pamamagitan ng Twitter at Facebook, gamit ang hashtag na #MeToo upang ibunyag at ibahagi ang kanilang mga karanasan bilang biktima ng pangmomolestiya.