Ni REGGEE BONOAN
NATAWA si Sylvia Sanchez nang makarating sa kanya na pinagdududahan siyang nagparetoke ng mukha dahil ang bata raw niyang tingnan ngayon bukod pa sa pumayat siya nang husto.
Wala itong katotohanan dahil takot siya sa karayom.
“Alam mong takot ako sa injection, Reggs, bakit ako magpaparetoke?” kaswal na sabi ni Ibyang nang tawagan namin.
“Tiningnan ko tuloy sa salamin kung ano’ng nabago sa mukha ko. Napansin ko medyo lumiit kasi talagang nagpapayat ako, di ba? Pino-post ko nga parati ang #OperationTaba ko kapag may time sa Ultra at si Elma Muros ang trainor ko.
“May epekto, Reggs kasi simula nu’ng ginagawa ko ito, nagbawas na ako ng 25 lbs kaya malaking bagay iyon. Kaya ngayon ingat na ako sa lahat, sa mga kinakain ko, dati kasi wala sa oras ang kain ko, ngayon nasa oras na. Maski na kaliwa’t kanan ang dinner with friends o sa bahay, limitado na. Unlike before kain lang ako ng kain.
“’Tapos siyempre sasabayan mo ‘yun ng exercises para hindi lumaylay ang balat o skin ko kaya firm pa rin.
“Sa mukha ko, kaya siguro bumata ako kasi ginagamit ko talaga ‘yung Beautederm ni Rei (Anicoche-Tan), effective talaga. Subukan mo, babata ka rin.
“Nakakatawa nga, may Beautederm Caravan ako every weekend sa iba’t ibang probinsiya, para akong bagets, nagka-caravan, ha-ha,” kuwento pa niya sa kabilang linya.
Samantala, magkahalong kaba at saya ang nararamdaman ni Ibyang sa nalalapit na Cinema One Originals Film Festival dahil may entry siyang ‘Nay na idinirihe ni Kip Oebanda.
Mapapanood ang ‘Nay simula Nobyembre 13-20 at kasama niya sina Jameson Blake at Enchong Dee.
“Nagpapasalamat ako kasi pinagkatiwalaan ako ng Cinema One bilang Inay ni Enchong. Si Jameson ang bestfriend ng alaga ko. Actually, yaya ako ni Enchong dito, pero sobrang mahal na mahal ko siya at ganu’n din siya kasi ako na ang nag-alaga sa kanya since bata pa, kulang na lang ako ang nagluwal sa kanya.
“Isa akong aswang dito sa ‘Nay at sa huli na lang malalaman ni Enchong kung sino ako pero hindi siya natakot kasi nga nanay niya ako. Ang ganda ng istorya, sana mapanood ito ng marami kasi maganda talaga. Ang galing ng direktor namin na bagets pa,” saad ng aktres.
Ang direktor niyang si Kip ang sumulat at direktor ng mga pelikulang Bar Boys (2017) nina Enzo Pineda, Rocco Nacino, Kean Cipriano at Carlo Aquino; Tumbang Preso (2014); 2nd unit director ng Ang Nanay ni Justin Barber (2014) at junior editor ng Patay Na si Hesus (2016).
Curious kami sa naging buhay ni Direk Kip dahil kaya pala ganito ang pangalan dahil sa kulungan siya ipinanganak ng nanay niya na naging biktima ng Martial Law noong Marcos Administration, kaya interesting, di ba, Bossing DMB?
Nagpapa-set kami ng interview sa kanya para malaman kung ano ang nangyari sa kanya at paano siya nakalabas ng kulungan kalaunan.
Going back to Ibyang, inamin niyang, “Maraming nag-offer na sa akin ng indie films ‘kaso hindi ko matanggap kasi that time abala ako sa The Greatest Love (TGL), eh, alam mo naman kapag tapings, hand-to-mouth talaga kami, kaya maski na gustung-gusto ko, hindi ko matanggap.
“May offer nga ako for Cinemalaya 2017, hindi ko natanggap, ‘tapos nu’ng magtatapos na ‘yung TGL, saka ako tumanggap ng indie at ito ngang ‘Nay hanggang sa tumanggap na rin ako ng isa pang movie sa Regal, ‘yung Mama’s Girl with Sofia Andres and Diego Loyzaga at si Connie Macatuno naman ang direktor ko.
“’Tapos nagti-taping na rin ako ng teleserye with Arjo (Atayde), so bale dalawa ang lagare ko ngayon, itong Regal at itong teleserye. Natapos na ako sa ‘Nay.”
Tinanong namin si Ibyang kung okay lang sa kanya na ma-distort ang mukha niya sa harap ng kamera. May ibang artista kasi na ayaw makitang pangit sila sa pelikula o serye.
“Ako ‘yung klase ng artista na gagampanan ko ang role kahit distorted ang mukha ko. ‘Pag umiiyak naman di ba distorted ang mukha, may magandang umiyak, may pangit umiyak, ganu’n talaga. Artist aka, eh. Huwag mong isipin na kapag umiyak ka dapat maganda ka pa rin, hindi totoo ‘yun.”
Pagdating din sa buhok ay walang angal si Ibyang, kung kinakailangang pagupitan ay sinusunod niya.
“Kung may role nga na kailangan kong magpakalbo, gagawin ko talaga, hindi ako gagamit ng wig para magmukhang kalbo, magpapakalbo talaga ako kung talagang maganda ang role.”
Marami nang karakter na ginampanan ni Sylvia pero pangarap pa rin niyang gumanap bilang bulag, pipi at bingi at female action star.
“Gusto ko talaga ‘yun at mahirap ‘yun at hindi ko ma-explain, pero kapag nag-action na, alam ko kaya kong gawin. May isa pa akong gustong gawin, babaeng action-hitman. Parang Salt (2010) ni Angelina Jolie, ‘yung nakamotor, marunong naman akong mag-motor. Gusto kong mag-action,” pakli niya.
“Kaya nga ako nagpapayat kasi gusto kong magkaroon ng project na action since uso na ngayon ang action films,”sabi pa.
Pero hindi pa niya type gumanap na superhero.
“Ewan ko, wala sa isip ko ‘yan. Mas gusto ko action at maging pipi’t bulag at bingi. Sniper na naka-motor. Gusto ko ‘yun.”
Handa ba siyang maging babaeng rebelde kung sakaling kunin siyang guest sa FPJ’s Ang Probinsyano?
“Sino ba ang tatanggi sa Probinsyano, lahat gusto. Diyos ko naman, oo naman talaga, gusto ko maski sa bundok pa!”
Inalok na rin pala si Sylvia ni Direk Brillante Mendoza pero hindi niya nagawang tanggapin dahil din sa The Greatest Love.
“Nag-usap naman kami ni Direk Brillante na sabi ko gusto kong tanggapin kaso hindi ko kaya kasi nga sa schedule ko.
Pati si Arjo gusto niya, eh, that time hindi rin kaya ni Arjo,” pahayag sa amin.
Type ring maka-trabaho ni Ibyang si direk Lav Diaz kahit abutin ng maraming oras.
“Okay din basta maganda ang role, bakit hindi. Gusto ko ring ma-experience talaga sina direk Brillante at Lav.”
Ano ang mahalaga kay Sylvia, ang maging box office hit ang pelikula niya o tumanggap ng award?
“Siguro box office para mabalik ko ‘yung trust ng producer, ‘yung nagtiwala sa ‘yo, gusto mong ibalik, di ba? Na parang, ‘oy hindi tayo nagkamaling magtiwala kay Sylvia.’ Pero minsan as an actor kailangan mo rin ‘yung fulfillment bilang artista kaya kailangan mo rin ‘yung trophy o award, pero hindi naman lahat ng bawa’t labas mo, kailangan mo ‘yun.
“Kung magaling ka, maibibigay naman sa ‘yo ‘yun (award), kung hindi, e, di hindi, ‘wag pilitin,” katwiran niya.