Nina MARY ANN SANTIAGO at BELLA GAMOTEA

Pursigido ang pamahalaan na maipagpatuloy ang pagpapatupad ng modernization program para sa mga public utility vehicle (PUV) sa bansa, simula sa susunod na taon.

Ito ay sa kabila ng banta ng ilang transport group, na tutol sa programa, na magkakasa ng mas marami pang tigil-pasada sa mga susunod na araw hanggang hindi pinakikinggan ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing.

Ayon naman kay Transportation Secretary Arthur Tugade, hindi nila pipigilan ang sinuman na magpahayag ng kanilang saloobin at mag-rally hanggang hindi sila lumalabag sa karapatan ng ibang tao.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Paliwanag pa ng kalihim, matagal nang nais isailalim ng mga nakalipas na administrasyon sa modernisasyon ang transportasyon sa bansa, subalit sa tuwing may nagkikilos-protesta at iginigiit na “anti-poor” ang programa ay umuurong na ang pamahalaan.

“Past administrations wanted to modernize transportation, but every time people wave flags, saying that the program is anti-poor, they take a step back. This has to stop,” ani Tugade. “Modernization should be implemented now.”

Nitong Lunes at Martes ay napilitan ang pamahalaan na suspendihin ang pasok sa gobyerno at sa mga paaralan sa bansa dahil sa dalawang-araw na tigil-pasada na ikinasa ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kontra sa modernization program at sa jeepney phaseout.

Kaugnay nito, bilang tugon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat wala nang lumang jeep sa kalsada sa Enero 1, 2018, ipatutupad ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT), Department of Transportation (DOTr), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS) sa lahat ng sasakyan sa bansa.

Uunahin ng MVIS sa unang araw ng 2018 ang mga lumang jeep sa Metro Manila bilang bahagi sa PUV modernization program ng pamahalaan.

Tungkulin ng MVIS na suriin ang sasakyan kung puwede pa itong gamitin, sa pagtukoy kung maayos ang gulong, preno, emission, mga ilaw at iba pang spareparts ng behikulo.

Batay sa datos ng DOTr, 98 porsiyento ng mga namamasadang jeep ay “bulok” na.