Ni Ernest Hernandez

WALANG pagtatalunan kung ang kahusayan ni Paul “Bong” Alvarez sa basketball ang pag-uusapan.

Nakalista lang naman sa record book ng PBA ang 71 puntos na naitala niya sa 169-138 panalo ng Alaska kontra Formula Shell noong Abril 26, 1990. Hindi maikakaila na kinilig ang maraming tagahanga sa husay ng tinaguriang ‘Mr. Excitement’ ng Philippine basketball.

Ilang dagok at bad luck sa buhay ang pinagdaanan ni Alvarez na halos muntik nang tumakip sa tagumpay niya sa basketball. At sa bihirang pagkakataon, namataan ng basketball fanatics ang high-leaper forward nang manood ito ng Game 3 ng best-of-seven titular showdon ng Ginebra at Meralco para sa 2017 PBA Governors Cup.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Last year pa ata, noong nag-champion ang Ginebra sa Meralco last year. Matagal na rin, mahigit isang taon,” pahayag ni Alvarez, patungkol sa kanyang huling tapak sa Araneta Coliseum.

Sa kanyang opinyon, sinabi ni Alvarez na malaki ang pagkakaiba ng PBA sa ngayon kumpara sa kanyang kapanahunan sa aspeto ng laki ng mga players.

“Ganun pa rin naman. Naglakihan lang mga player, ‘yun lang siguro pagkakaiba,” sambit ni Alvarez. “Wala pa rin naman nabago, yung ring ganun pa rin kataas, 10-feet pa rin,” aniya.

Sinariwa rin ni Alvarez ang naging samahan kay Tim Cone, tulad niya sa panahong iyon at bagito rin sa PBA.

Hindi maikakaila na pambato ni Cone ang batang Alvarez sa prangkisa ng Alaska. Tangan noon ni Alvarez ang averaged 23 puntos, 8.1 rebounds at 2.8 assists.

Pinagsaluhan din nina Cone at Alvarez noong 1991 ang kampeonato sa Alaska. Kabilang sa player noon sina Eugene Quilban, Jojo Lastimosa at import Sean Chambers.

Inamin ng 49-anyos na si Alvarez na nais niyang magbalik-laro kung maibabalik lamang ang kamay ng orasan.

“Oo. Sobra. Sobra-sobra talaga. Ma-mi-miss mo talaga maglaro sa PBA,” aniya.

“Siyempre lalo na kapag ganito. Dito pinakamasarap maglaro sa Araneta. Yung crowd ng Ginerba, San Miguel – talagang makikita mo all out talaga ang fans.”

Kung may pagkakataon, nais ni Alvarez na maisakatuparan ay ang maka-dunk sa harap ng Ginebra twin tower nina Japeth Agular at Greg Slaughter.

“Oo naman. Ganun din naman dati. Kung maalala niyo may mga player na matatangkad din sa ibang team.”