Nina FRANCIS WAKEFIELD at FER TABOY

Kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año na 13 pang miyembro ng teroristang Maute Group, kabilang ang Malaysian na si Dr. Mahmud bin Ahmad, ang napatay sa pinatinding na opensiba ng militar sa Marawi City, Lanao del Sur nitong Miyerkules ng gabi.

Anim na sundalo naman ang nasugatan sa bakbakan, ayon kay Año, bunga ng pinaigting at walang tigil na opensiba ng tropa ng gobyerno sa main battle area simula nitong Miyerkules.

Dagdag pa ni Año, pitong sibilyan din ang nailigtas sa nasabing operasyon, kabilang ang isang ginang at anak niyang babae, na bahagyang nasugatan.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“We were able to neutralize 13 rebels and we confirmed this. Early this morning, we were able to get seven more and rescued a mother and her daughter. She is about 15 or 16 years old. She has a splinter wound but out of danger,” saad sa pahayag ni Año.

Nagpahayag din ng kumpiyansa si Año na kabilang nga si Ahmad sa mga napatay na terorista sa huling engkuwentro.

Matatandaang una nang inihayag ng militar na malaki ang posibilidad na si Ahmad ang papalit kay Isnilon Hapilon bilang bagong lider ng mga terorista sa Southeast Asia. Ang Malaysian din ang sinasabing isa sa mga financier ng Maute Group.

Kinikilalang “emir” ng Islamic State, ang Abu Sayyaf leader na si Hapilon, kasama ang lider ng Maute Group na si Omar Maute, ay napatay sa bakbakan sa Marawi nitong Lunes.

Aniya, batay sa testimonya ng isa sa mga nailigtas na bihag, napatay si Ahmad sa bakbakan at kaagad ding inilibing ng gabing iyon. Sinabi ni Año na hahanapin nila ang labi ng Malaysian kapag na-clear na ng militar ang lugar sa mga sniper at bomba.

“In addition, the AFP is increasingly becoming confident that he was among those who have been killed during yesterdays operations. The process to confirm this with finality, however, is still ongoing,” sabi ni Año. “Earlier information regarding this were received from the rescued hostages. We are now working on getting full confirmation.”

Sa taya ni Año, nasa 20 na lang ang bihag ng Maute ngayon.