Ni: Mary Ann Santiago
Patay ang isang 76-anyos na babae matapos masagasaan ng isang pampasaherong jeep habang tumatawid sa kalsada sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.
Isinugod pa sa Philippine General Hospital (PGH), ngunit nasawi rin si Corazon Cabrera, 76, ng 1701 Dimasalang Street sa Sta. Cruz, Maynila. Siya ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Arestado naman ang suspek na si Gerald Montero, 22, jeepney driver, ng 49 Dimasalang St., Sta. Cruz.
Sa ulat ni PO2 Ace Gregory Catalan, ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), naganap ang aksidente sa Dimasalang St., kanto ng J. Marzan St., sa Sampaloc, bandang 3:00 ng hapon.
Tumatawid umano si Cabrera nang mahagip ng pampasaherong jeep (PYW-988), na minamaneho ni Montero, dahilan upang tumilapon ito.
Sasampahan ang suspek ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.