Ni REGGEE BONOAN
FINALLY, nagkita na sina Coco Martin at ang pinakabantog at pinakamatandang mambabatok (nagta-tattoo) na si Apo Whang-Od ng Kalinga, Apayao, Cordillera.
Sinundo si Apo Whang-Od ng ABS-CBN News para personal na makita ang kanyang idolong si Cardo Dalisay ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Back story lang muna tayo.
Two weeks ago, nakakuwentuhan namin ang kaibigan at concert producer na si Ms. Vicky Solis (kilala mo siya, Bossing DMB, siya ‘yung nagbigay ng masarap na chocolate cake) at napansin naming may tatlong tuldok (tattoo) sa kanyang kaliwang pulso na binati namin.
Buong pagmamalaki niyang sinabi na gawa iyon ni Apo Whang-Od.
“Di ba may medical mission kami parati, so nu’ng umakyat kami ng Kalinga, ang haba ng pila, sobrang daming tao at madaling araw pa lang nandoon na sila kasi ang dami-daming nagpapa-tattoo kay Apo Whang-Od.
“So na-curious ako at since tubong Baguio naman ako kaya nakipila na kaming pamilya kasi matanda na si Apo, eh, baka... alam mo na, kaya nagpalagay na kami lahat para may remembrance mula sa pinakamatandang artist. Itong tatlong tuldok, pirma ito ni Apo Whang-Od at itong alakdan.
“’Tapos, nabanggit ng apo niya na araw-araw palang hinihintay ni Apo Whang-Od si Coco kasi hindi ko alam kung may nangako o may nagsabing dadalawin siya, kasi nga nalaman na gustung-gusto ni Apo si Coco.
“Alam mo ba na maski mahaba ang pila ng mga tao at pagdating ng 6 PM ay titigil na siyang mag-tattoo kasi kailangan niyang makakain na ng dinner bago manood ng Ang Probinsyano?
“Nakakatawa nga kasi pinadalhan si Apo Whang-Od ng mga Ang Probinsyano merchandise, suut-suot lagi ni Apo, like t-shirt na may mukha ni Coco, cap, may picture pa. Basta lahat may Coco. Ganu’n ka-die-hard si Apo Whang-Od kay Coco.
Hindi ko alam kung kailan naman dadalaw si Coco, kasi nga sobrang busy, di ba?” buong kuwento ni Ms. Vicky.
Malabo talagang makaakyat ng bundok si Coco para dalawin ang itinuturing na Living Treasure ng Cordillera/Pilipinas ay ipinasundo na lang ito ng aktor nitong Miyerkules, Oktubre 18 sakay ng chopper.
Ayon sa report ng ABS-CBN, sinamahan si Apo Whang-Od ng apong si Grace Palisca na interpreter ng dialect nilang Pinukpuk/Tabuk/Tinglayan dahil hindi makaintindi ng Tagalog ang una.
Naiyak si Apo Whang-Od nang sa wakas ay makita na ang aktor.
“Gusto niya po kayong makita,” sabi ng apo ni Apo Whang-Od kay Coco.
Ang tatto na gustong ilagay ni Apo Whang-Od kay Coco ay isang alakdan na simbolo ng katapangan ng aktor.
Nagsimula lamang makilala sa buong mundo si Apo Whang-Od nang itampok siya sa Discovery Channel noong 2009.