Ni MARY ANN SANTIAGO

Dalawang traffic enforcer ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) at isang barangay traffic enforcer, na umano’y nagpanggap din na miyembro ng MTPB, ang inaresto nang maaktuhang nangongotong ng P50 sa isang taxi driver sa Binondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ni Police Supt. Amante Daro, station commander ng Manila Police District (MPD)- Station 11, ang mga inaresto na sina Adrianne Halili at Salvador Ignacio, na kapwa kawani ng MTPB; at Leonardo Adrales, barangay traffic enforcer.

Base sa ulat, inaresto ang tatlo sa kanto ng Benavides Street at Claro M. Recto Avenue sa Binondo matapos silang makuhanan ng cell phone video at umano’y kinokotongan nila ang isang taxi driver na lumabag sa batas-trapiko sa lugar, bandang 3:00 ng hapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Daro, narekober ng awtoridad mula sa bulsa ni Halili ang P50 na ibinigay ng taxi driver na ‘di pinangalanan.

Una rito, ayon sa mga awtoridad, hiningan umano ng mga suspek ng P500 ang biktima ngunit nakipagtawaran ito at nagkasundo sa P50.

Todo-tanggi naman si Adrales sa mga paratang at sinabing wala siyang partisipasyon sa panghuhuli dahil wala naman siyang pang-ticket.

Sa panig naman ni Ignacio, wala siyang kinalaman sa kotongan at alam ng driver kung sino ang nakausap nito.

Aminado naman si Halili na siya ang tumanggap ng P50 mula sa driver, ngunit sinabing hindi naman niya ito hiningi at sa halip ay kusang-loob na ibinigay sa kanya.