WALANG dudang nagtagal ang bakbakan sa Marawi kumpara sa mga naunang labanan sa Mindanao dahil sinuportahan ito ng mga dayuhang terorista na nagkaloob ng pondo, mga armas at bala, at mismong mga mandirigma mula sa Gitnang Silangan at Timog-Silangang Asya.
Inabot na ito ng halos limang buwan, ang rebelyong hayagang inendorso ng Islamic State (IS), na nanawagan sa mga mandirigmang hindi makapupunta sa Iraq na dumiretso na lang sa Pilipinas. Layunin ng IS na magtatag ng regional center sa Timog-Silangang Asya at itinalaga ang tubong Basilan na si Isnilon Hapilon bilang “emir” ng “Philippine province.”
Minsan nang nag-ambisyon ang Islamic State—na kilala rin sa mga katawagang ISIL (Islamic State for Iraq and the Levant), ISIS (Islamic State for Iraq and Syria), at Daesh, na acronym ng Arabic name ng grupo—na magkaroon ng world caliphate. Nahawa nitong makubkob ang malalawak na lugar na silangang Syria at hilagang Iraq, habang ginigiyagis ang dalawang bansa ng kaguluhang dulot ng mga lokal na rebelde. Naakit nitong maging kasapi ang libu-libong batang Islamic extremist mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang maraming bansa sa Europa at sa Amerika.
Nakilala ang grupo sa pamumugot sa mga bihag nito, kabilang ang ilang mamamahayag na dinukot nila habang nagbabalita sa Iraq. Sa Pilipinas, ginaya ng Abu Sayyaf ang kalupitang ito, ginamit upang takutin ang mga dayuhang pamahalaan at ang pamilya ng mga bihag nila upang magbayad ng malaking halaga ng ransom.
Gayunman, nagapi ang Islamic State sa pakikipagbakbakan sa puwersa ng mga gobyerno ng Syria at Iraq na suportado ng mga sandatahan mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Amerika at Russia. Nabawi sa grupo ang mga siyudad na nakubkob nito, kabilang na ang sinaunang lungsod ng Mosul sa hilagang Iraq.
Nitong Lunes, nakasaad sa ulat mula sa Dhuluiyah, Iraq, na nangatambak lamang ang bangkay ng mga jihadist sa mga mass grave, kung hindi man pinagpipistahan ng mga asong gala. Ni-recruit sila mula sa iba’t ibang panig ng mundo, nakumbinse sa pangako ng magagandang kapakinabangan sakaling masawi silang martir sa mga labanan.
Mayroon pa ring walo o siyam na dayuhan na natitirang lumalaban para sa Maute Group sa Marawi City, iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong nakaraang linggo. “They are the ones who are suicidal,” sabini Gen. Eduardo Año, AFP chief of staff.
Mayo 23 nang sumiklab ang bakbakan sa Marawi nang tinangka ng mga awtoridad na arestuhin si Hapilon, na nagawang makatakas hanggang pangunahan na nga ang rebelyon sa siyudad kasama ang magkakapatid na Maute. Napaulat na napatay si Abdullah Maute noong Agosto, bagamat hindi natagpuan ang kanyang bangkay. Napatay din si Hapilon nitong Lunes, Oktubre 16, kasama si Omarkhayam Maute.
Sa mas maigting na pagtugis ng tropa ng gobyerno sa mga nalalabing terorista, marahil maisasakatuparan na ngayon ang deadline na itinakda ng mga military commander, sa pangunguna ni General Año—sa pagtatapos ng buwang ito.