Ni: Bella Gamotea

Hindi na kabilang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa “worst airports in the world”, ayon sa resulta ng huling survey ng travel website na Sleeping In Airports.

Sa resulta ng survey na pinamagatang “The Guide To Sleeping In Airports”, inilabas nitong Linggo, hindi na kasama ang NAIA sa Top 20 Worst Airports sa buong daigdig.

Sa kabilang banda apat na paliparan sa bansa ang nakapasok sa Top 25 Best Airports in Asia 2017, sa parehong survey.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ipinagmamalaki ngayon ng Pilipinas ang Iloilo International Airport, na pang-12 sa listahan, Mactan-Cebu International Airport (13), Davao Francisco Bangoy International Airport (17), at Clark International Airport (22).

Noong 2016 iniranggo ng travel website ang NAIA na 5th worst airport dahil sa kontrobersiyal sa isyu ng “tanim-bala”, na agad naresolba sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ikinatuwa ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang resulta ng survey kasabay ng pagpapaalala sa kagawaran na marami pang dapat gawin at pagsasaayos sa NAIA kaya hindi dapat na magpakampante.

Welcome din ito kay Manila International Airports Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal at aniya ang mas malaking hamon ay ang pagpapanatili o lagpasan pa ang natamong tagumpay ng NAIA.