Ni: Beth Camia
Iniharap kahapon ng Department of Justice (DoJ) sa media ang 36-anyos na babae na umano’y nanghikayat ng ilang dayuhan at Pilipino na umanib at ipagtanggol ang grupong terorista na Maute at Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Sa bisa ng search warrant, inaresto ang suspek na si Karen Aizha Hamidon sa bahay niya sa Taguig City nitong Oktubre 11.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), naging person of interest si Hamidon noong kalagitnaan ng 2016, matapos mahikayat ang ilang Indian na pumunta sa Pilipinas para sumali sa radical groups sa Mindanao.
Nadiskubre umano sa cell phone ni Hamidon ang kanyang 296 na online post tungkol sa recruitment ng mga bagong miyembro ng ISIS at pagsusulong ng rebelyon sa Marawi City.
Sinampahan na si Hamidon ng 14 counts ng inciting to rebellion kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sinasabing asawa si Hamidon ni Mohhamad Jaafar Maguid, alyas “Tokboy” at “Abu Sharifa”, na itinuturong lider ng Ansar Khalifa Philippines na responsable sa pambobomba sa Davao City night market noong Disyembre 2016.
Naging maybahay din umano si Hamidon ng Singaporean na si Muhammad Shamin Mohammed Sidek na konektado rin sa ISIS.
Kasalukuyang nakakulong si Hamidon sa NBI Headquarters sa Maynila.