Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Muling tiniyak ng Malacañang sa publiko na patuloy na isusulong ng administrasyong Duterte ang kapakanan at poprotektahan ang karapatan ng kababaihan.
Ito ay matapos pangalanan ng Thomson Reuters Foundation ang Manila bilang ikaanim na pinakaligtas na lungsod para sa kababaihan, kasunod ng London, United Kingdom; Tokyo, Japan; Paris, France; Moscow, Russia; at Shanghai, China.
Ikinalugod ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa isang pahayag, ang resulta ng survey na isinagawa mula Hunyo 1 hanggang Hulyo 28, 2017.
“We welcome the good news that Manila is named 6th best megacity for women out of 19 world’s biggest megacities in the Thomson Reuters Foundation survey,” saad ni Abella nitong Miyerkules.
Ang survey, inilabas nitong Oktubre 10, ay kinonsulta ang mga eksperto sa women’s issues sa 19 na megacities at nakatuon sa apat na pangunahing larangan -- ang sexual violence, access to healthcare, cultural practices, at economic opportunities.
Pinakamataas ang score ng Manila sa economic opportunities na may 17 points, sumasalamin sa access ng mga Pinay sa economic resources gaya ng edukasyon, pag-aari ng lupa o iba pang propyedad, at serbisyong pinansiyal gaya ng bank accounts.
“Indeed, this assures the public that the Duterte administration is serious in upholding the welfare of Filipino women,” ani Abella.
Sa sukatan na 1 hanggang 19 na ang 1 ang pinakamalala at 19 ang pinakamabuti, nakuha ng Manila ang 13 puntos sa sexual violence, 10 sa healthcare, 13 sa cultural practices, at 17 sa economic opportunities.
Nasa likuran ng Pilipinas sa overall ranking ang New York, USA; Buenos Aires, Argentina; Sao Paolo, Brazil; Istanbul, Turkey; Jakarta, Indonesia; Lagos, Nigeria; at Dhaka, Bangladesh.
Huli naman sa ranking sa listahan ang Cairo, Egypt, sinusundan ng Karachi, Pakistan; Kinshasa, Congo; Delhi, India; Lima, Peru; and Mexico City, Mexico.