Ni REGGEE BONOAN
HINANGAAN naming muli ni Bossing DMB si Kim Chiu na hindi nagbabago ng ugali simula nang una namin siyang mainterbyu paglabas sa Pinoy Big Brother house 11 years ago.
Bago kasi bumati sa pagsisimula ng question and answer sa press conference ng The Ghost Bride sa Uno Seafood Wharf Restaurant sa Escolta Street, Binondo, Manila, inuna agad niya ang pasasalamatan sa lahat ng dumalong taga-media.
Alam ni Kim na pahirapan ang pagpunta sa lugar dahil sa sobrang trapik at mahirap humanap ng parking space, pero marami pa rin ang kumober sa presscon ng pelikula nila na idinirihe ni Chito Roño under Star Cinema.
Ganito na talaga si Kim noon pa mang baguhan siya, marunong lumingon at tumanaw sa lahat ng taong nakakatulong sa kanya simula noong lumabas siya ng Pinoy Big Brother. At kaya tuluy-tuloy ang kanyang blessings simula noon, marunong siyang mag-share.
Ghost bride ang karakter ni Kim (as Mayen) sa bagong obra-maestra ng master of horror na si Direk Chito. At dahil may dugong Chinese, hindi na bago sa kanya ang kuwento ng pelikula na sinulat nina Cathy Camarillo at Charlson Ong.
“Noong ginagawa ko po itong movie, ‘yung lola ko, sabi niya sa akin, ‘Ghost bride ba ‘yan?’ Kasi, alam n’yo ba, sabi niya sa akin, na ‘yung pinsan niya daw ay isang ghost bride. So kamag-anak namin ay ghost bride.
“’Tapos tinanong ko ‘yung lola ko na kung bakit ‘di siya naging ghost bride. Sabi niya, ‘Gusto kong magkaanak.’ Kasi once na pasukin mo ‘yung ghost bride, parang dini-dedicate mo na ‘yung sarili mo sa pamilya nu’ng patay, dini-dedicate mo na ‘yung buhay mo sa tao at sa pamilya.
“So every Monday and Friday, every weekend dadasalan mo ‘yung patay. ‘Tapos everyday pupuntahan mo ang picture niya, iinsensuhan mo. So, parang lahat ng family event ay nandoon ka, so parang asawa mo talaga siya. Kaya parang nagulat din ako noong sinabi ‘yon ng lola ko.
“’Tapos ngayon, pinapahanap nga ng Star Cinema, ‘asan na po ‘yung pinsan (ng lola), sabi ko, patay na po siya, pero mayaman po sila hanggang ngayon, napamanahan niya po ‘yung mga kapatid niya, mga apo-apo niya, mayroon po silang mga building, may mga negosyo.
“Kasi in exchange of your time and your life is money talaga. So ‘yun po ang ginagawa noong araw. Tinanong ko kung ilang taon na ‘yung malayong pinsan ng lola ko na ‘yon, kasi ‘yung lola ko ay 89 na siya, siguro magwa-100 na siya kung buhay po siya.”
Dahil positibo naman ang nangyari sa buhay ng pinsan ng lola ni Kim, tinanong siya kung posible ring mangyari ang ganoon sa kanya.
“Kung ano (kailangan) po. Kasi po, ako, I’m proud and very thankful na (dahil) dito sa showbiz, natulungan ko ‘yung pamilya ko na mapatapos po ng pag-aaral (ang mga kapatid) at okay na ang buhay nila.
“Kung wala itong showbiz at in-offer akong maging ghost bride at kung 50-50 ang isa sa magulang ko o kung sinumang kamag-anak ko at wala akong pambayad, bakit po hindi? Gagawin ko po ‘yun siyempre, para sa pamilya gagawin ko,” pag-amin ng dalaga.
Talaga palang yayaman ang sinumang ghost bride dahil bukod sa paunang bayad ay may matatanggap pang buwanang suweldo.
Sa mga sagot ni Kim, lalong na-reveal ang kahanga-hanga niyang dedikasyon sa kanyang pamilya. Sa loob ng 11 years sa showbiz, masasabing financially stable na siya at ang kanyang buong pamilya’t mga kapatid na hindi lang niya napagtapos ng pag-aaral kundi binigyan pa ng mga negosyo bawat isa pati na ang daddy niya.
Kuwento ng nakakakilala sa daddy ni Kim, mayroon na itong malaking bakery at restaurant business sa Mindoro at ang dalawang kapatid naman sa ama at may branch na ng bakery sa Cavite at Laguna.
Ganoon kamahal ni Kim ang pamilya niya, at kaya sinusuwerte dahil inuuna niyang ayusin ang pamumuhay ng mga mahal sa buhay kaysa sarili.
Going back to The Ghost Bride movie, baon pala kasi sa utang ang pamilya ni Mayen at nu’ng pumayag nga siyang ikasal sa patay ay nabayaran nila ang lahat ang mga pagkakautang nila.
Mapapanood ang Ghost Bride simula sa Nobyembre 1. Kasama ni Kim sa pelikula sina Matteo Guidicelli, Beverly Salviejo, Christian Bables, Isay Alvarez, Nanding Josef, Mon Confiado, Robert Sena, Ina Raymundo, Victor Silayan, Jerome Ponce at Cacai Bautista.