Ni: Erik Espina
NOONG hindi pa nag-iisang taon ang administrasyong Duterte, nagugunita ko ang ilang pagtitipon ng piling opisyales sa Palasyo. Bilang punong-abala, at kusang taya na rin, dating magkakaklase at magkakaibigan ay muling nagkita-kita sa isang hapag sa Makati City.
Layuning pag-ugnayin ang “career officials” at mga bagong “bossing” upang magkabalikat tulungan ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa mga “tsibugan” meeting, staff ni Presidential Assistant for the Visayas Secretary Michael Dino, isinama ako galing Cebu upang mas agarang maipaabot ang pangangailangan nila sa nasabing grupo.
Nagkaroon ng pagpapalitan ng tanong at solusyon sa polisiya/kalakaran ng mga tanggapan sa pagitan ng bagong salta sa datihan na. Nadantayan din ang dalawang isyu na sa pakiwari ko, hindi ganap naipaliwanag ng mga tagapagsalita sa Malacañang. Matatandaan ang komento ni Pangulong Duterte tungkol sa “Assassination of media men” at ang naging kontrobersiyal na, “Mauna pa kayo sa mayor”, tungkol sa puting hostage.
Para walang masabi, binigyan ko ng angkop na kasagutan at kung papaano nahanapan sana ito ng mas mainam na anggulo.
Nagkabiruan agad na bigyan ako ng puwesto! Tinawanan ko lang. Isinukli ko rin na isa dapat ang mukha at boses na palaging humaharap sa media.
Mahirap yang maraming tumatalak dahil may tsansang sumemplang kahit may script pa. Pati PTV-4, ang telebisyon ng pamahalaan, napag-usapan. Nanahimik ako at baka ano pang kantsaw o pag-aalok ang lumabas. Lampas dekada rin akong namasukan sa Channel 4, liban pa sa Channel 13 at 9. Nasilip din ang tungkol sa Presidential Action Center (PAC) sa panahon ni Secretary Oscar Orbos sa Palasyo.
Wika ng isang datihan, nakakalbo sila sa saku-sakong tulong na hinihingi ng pangkaraniwang Pilipino.
Ipinaabot ang babalang ito upang maunawaan ng mga kakaupo pa lamang, ang sinuong na butas ng 8888 Text Reklamo na inilunsad ng Malacañang. Nang matapos ang meeting, nilapitan ko ang isang datihan tungkol sa PAC. Inalayan ko ng solusyon. Ang naging reaction ay – “Oo nga ano”.
Sabi ko atin-atin na lang muna ‘yan. Bilang munting tulong sa Pilipino, mag-email kayo ng sumbong sa [email protected] at makakaabot sa Malacañang, sabay ilalathala ko sa aking mga kolum kung nanaisin ninyo.