Ni GENALYN D. KABILING, May ulat ni Beth Camia

Isang araw makaraang nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na aalisin na sa mga kalsada ang lahat ng kakarag-karag at smoke-belching na jeepney sa susunod na taon, inihayag ng gobyerno na handa itong makipagdayalogo sa mga grupo ng transportasyon tungkol sa kinokontra ng mga ito na modernisasyon ng mga public utility vehicle (PUV).

Gayunman, kaagad na nilinaw ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na hindi ito makikipagkompromiso sa mga nagpoprotestang jeepney drivers at operators “when public good is at stake.”

Iginiit ni Abella na “everybody” ang makikinabang sa modernisasyon at paggamit ng bansa ng mga jeep na environment-friendly, kasama na ang mismong mga driver, mga operator, at siyempre pa, ang mga pasashero.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Government is open to more healthy dialogue, discussion and responsible engagements with transport groups that wish to learn and contribute to the development of the PUV Modernization Program,” ani Abella.

Una nang sinabi ng Pangulo sa mga militanteng transport group na palitan ang kani-kanilang mga ipinamamasadang jeep bago matapos ang 2017, idinahilan ang polusyon at ang panganib nito sa kalusugan.

Nagbabala rin si Duterte na simula Enero 1, 2018 ay ipaaaresto niya ang mga lalabag sa PUV modernization program at i-impound ang mga luma at kakarag-karag na jeep.

“January 1, ‘pag hindi ninyo na-modernize ‘yan (jeepney), umalis kayo. Mahirap kayo? Pu**** i**, magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam,” sinabi ng Pangulo nang dumalo sa Federalism Summit sa Pili, Camarines Sur nitong Martes.

Nagbanta ang Pangulo kasunod ng dalawang araw na tigil-pasada ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) laban sa planong jeepney phaseout.