Ni: Rommel P. Tabbad
Tatlong araw pang mananatili sa bansa ang bagyong ‘Paolo’ dahil tinatayang sa Linggo pa ito lalabas sa Philippine area of responsibility (PAR).
Batay sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bago lalabas ng Pilipinas ay inaasahang mamamataan ang bagyong Paolo sa layong 1,035 kilometro sa silangan ng Baler, Aurora ngayong umaga at kinabukasan ay tinatayang mamamataan ang buntot nito sa layong 990 km sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan, at sa Sabado ng umaga, nasa 1,000 km sa silangan ng Basco, Batanes.
Huling namataan ang bagyo sa layong 735 km sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Napanatili ng Paolo ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour (kph) at bugsong 145 kph habang kumikilos pahilaga-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Kaugnay nito, isa ring low pressure area (LPA) ang namataan sa bahagi ng Puerto Princesa City sa Palawan, na inaasahang magdudulot ng pag-ulan sa lalawigan.