Ni: AFP
NANGUNA ang mga lungsod sa Asya at Europa sa isinapublikong Safe Cities Index ng The Economist Intelligence Unit, at Tokyo muli ang kinilalang pinakaligtas sa buong mundo, sa ikalawang pagkakataon.
Para sa 2017 edition ng biennial report, sinuri ng mga analyst ang 60 siyudad batay sa 49 na indikasyon na saklaw ang lahat mula sa digital, kalusugan, imprastruktura, at personal na seguridad, upang matukoy kung aling siyudad ang masasabing pinakaligtas na destinasyon.
Salamat sa matatag na performance sa digital security at sa seven-point rise sa kategorya ng seguridad sa kalusugan mula sa huling report noong 2015, napanatili ng Tokyo ang puwesto nito aty muling nanguna ngayong taon. Sinundan ito ng Singapore at Osaka. Sa kabuuan, ang top 10 ay binubuo ng apat na siyudad sa Asia at tatlo sa Europa.
Para sa kahalagahan ng report, inilarawan ang digital security bilang katatagan ng siyudad sa cyber security at sa internet access, habang ang seguridad sa kalusugan ay saklaw ang tubig at hangin, kabilang ang healthcare.
Kabilang sa personal na seguridad ang krimen, karahasan, at presensiya ng pulisya, habang ang seguridad sa imprastruktura ay tumuon naman sa transportasyon at pagkakalantad sa mga kalamidad at terorismo.
Sa ikaapat na puwesto, ang pinakamataas na ranggo mula sa North America, ay ang Toronto sa Canada, habang nasa ika-15 puwesto ang San Francisco sa Amerika.
Dahil sa inilabas na report dalawang taon na ang nakalilipas, binigyang-diin ng mga analyst na ang populasyon sa mga siyudad sa mundo ay tinatayang nasa mahigit 150 milyong katao, kaya aabot na sa mahigit apat na bilyon ang namumuhay sa mga siyudad.
Noong 2016, mayroong 31 megacities sa planeta, na inilarawan bilang mayroong populasyon na hihigit sa 10 milyon ang naninirahan.
Sa 2030, ang bilang ay inaasahang tataas sa 41.
“While cities generate economic activity, the security challenges they face expand and intensify as their populations rise,” saad sa report. “These include growing pressure on housing supply (prompting the spread of slums) and services such as healthcare, transport, and water and power infrastructure.”
Ang sampung pinakaligtas na siyudad mundo, ayon sa The Economist Intelligence Unit, ay kinumpleto ng Melbourne sa ikalimang puwesto, kasunod ang Amsterdam, Sydney, Stockholm, Hong Kong, at Zurich.