Ni ANTONIO L. COLINA IV
DAVAO CITY – Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 11 ang pinakamataas na opisyal ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Albay, makaraang maaktuhan umanong bumabatak kasama ang isang doktor, sa buy-bust operation sa Davao City nitong Martes ng hapon.
Sa press conference kahapon sa Royal Mandaya Hotel Davao, kinilala ni PDEA 11 officer-in-charge Naravy Duquiatan ang mga naaresto na sina Benjamin J. Medel, officer-in-charge ng Albay PENRO; at Stephen So Tay, surgeon sa Metro Davao Medical and Research Center (MDMRC).
Ayon kay Duquiatan, naglunsad sila ng buy-bust laban sa doktor sa bahay nito sa Marigold San Pedro Village sa Barangay Buhangin, makaraang makatanggap ng reklamo sa umano’y pagbebenta nito ng shabu.
Sinabi ni Duquiatan na naaktuhan umano sina Tay at Medel habang bumabatak nang ikasa ang anti-drug operation.
Dagdag pa ng PDEA, nakumpiska umano mula kay Tay ang siyam na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P108,000, at isang granada, na ayon sa kanya ay “regalo” ng isa niyang pasyente.
Ayon kay Duquiatan, nasa Davao City si Medel para dumalo sa isang convention.
Kakasuhan ang dalawa ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), habang kakasuhan din si Tay ng illegal possession of explosives, ayon kay Duquiatan.