SA nakalipas na mga buwan, nasaksihan ang maraming pagkilos sa iba’t ibang panig ng mundo na isinagawa ng mga taong naghahangad na humiwalay at maging ganap na malaya mula sa kani-kanilang gobyerno.
Naging sentro ng atensiyon ng mundo ang mamamayan ng Catalan sa hilagang Spain, na Barcelona ang ikalawang pinakamalaking siyudad kasunod ng Madrid. Nitong Oktubre 1, bumoto (90 porsiyento) ang mga Catalan upang humiwalay sa Spain sa isang referendum. Idineklara ng gobyerno na labag sa batas ang nasabing botohan at nagbantang pakikilusin ang pulisya kaugnay nito.
Hindi ganito katindi ang atensiyon ng mga mamamahayag sa Kurds ng Gitnang Silangan, subalit ang pag-asam nila para magkaroon ng sariling estado ay nagsimula maraming taon na ang nakalipas. Bumoto ang Iraqi Kurds para sa kalayaan (93 porsiyento) sa isang referendum ng Kurdistan Regional Government nitong Setyembre 25 pero iginiit din ng gobyernong Iraqi na ilegal ito. May Kurds din sa Turkey, Iran, at Syria-inookupa ang magkakaratig na lugar—at mauunawaang tutol ang mga pamahalaan ng nabanggit na mga bansa sa anumang pagbabawas sa kanilang teritoryo sakaling tuluyang magkaroon ng isang estadong Kurdish.
Ang Scotland ay may sariling kaharian noong unang bahagi ng Middle Ages, na napasakop sa England noong 1603 nang ideklarang King of England and Ireland si James VI. Naging bahagi ito ng United Kingdom noong 1800, bagamat malayang napangangasiwaan ang bansa. Sa huling independence referendum noong 2014, namayagpag ang botong “no” (55 porsiyento), ngunit nang bumoto noong nakaraang taon ang Great Britain upang tumiwalag sa European Union sa “Brexit”, ikinonsidera ng mga Scot ang isang panibagong botohan para sa pagtiwalag upang maging ganap na malaya.
Tatlo lamang ito sa mga huli at natutukang kaso ng mamamayang naghangad ng higit na awtonomiya o hiwalay na estado. May sarili tayong Moro liberation movement, na masuwerte namang nagpasyang igiit ang higit na awtonomiya sa paraan ng panukalang federal government na isinusulong ni Pangulong Duterte.
Patuloy nating sinusubaybayan ang mga nangyayari sa Spain, sa Gitnang Silangan, at sa Great Britain, at nakikisimpatiya tayo sa paghahangad ng ilang grupo na magkaroon ng sarili at malayang bansa, kasabay ng pag-asam na mapaglilimi ng kani-kanilang pinuno ang pangangailangang magkaroon ng pagkakaisa at katatagan sa gitna ng pagkakaiba-iba. Higit sa lahat, umaasa tayong mareresolba ang mga hindi pinagkakasunduan sa tulong ng mga payapang negosasyon nang may buong respeto sa karapatan ng lahat ng kinauukulan.