Ni: AFP
ANG pagtatanim ng mas maraming puno, mas maayos na pagsasaka, at pangangalaga sa wetlands ay makatutulong nang malaki upang mabawasan ang carbon emissions na inilalabas ng tao sa kapaligiran sa paggamit ng carbon fuels, inilahad ng mga mananaliksik nitong Lunes.
Ang mas maayos na paggamit ng lupa ay maaaring maging sanhi ng pagbaba ng carbon dioxide sa 37 porsiyento, sapat na para mapigilan ang global warming sa two degrees Celsius sa 2030, gaya ng apela ng 2015 Paris Agreement, ayon sa ulat ng Proceedings of the National Academy of Sciences.
Maaaring mapababa ng mga natural na solusyon sa klima ang emissions sa 11.3 bilyong tonelada kada taon hanggang 2030, na katumbas ng pagpapabagal sa pagsusunog ng petrolyo, ayon sa report.
“That is huge potential, so if we are serious about climate change, then we are going to have to get serious about investing in nature, as well as in clean energy and clean transport,” lahad ni Mark Tercek, chief executive officer ng The Nature Conservancy, isa sa mga institusyong nag-ambag ng mga mananaliksik sa pag-aaral.
Sa kasalukuyan, ang paggamit ng lupa ay nakakapag-ambag ng aabot sa sangkapat na bahagi ng carbon emission sa planeta, ang pangunahing greenhouse gas na nagiging sanhi ng pag-iinit ng planeta.
Ayon sa mga mananaliksik, ang pinakamainam na paraan para mapabagal ang climate change ay ang pagtatanim ng mas maraming puno at tigilan ang pagpuputol ng punongkahoy, dahil ang mga puno ang nakasisipsip ng mas madaming carbon mula sa kapaligiran.
Ang epektibong pangangalaga sa kagubatan “could cost-effectively remove seven billion tons of carbon dioxide annually by 2030, equivalent to taking 1.5 billion gasoline-burning cars off the roads,” ayon sa report.