Ni: Bella Gamotea
Pinaghahandaan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang posibleng spill over sa Metro Manila ng gawaing terorismo, makaraang mapatay nitong Lunes ang leader ng Maute Group na si Omar Maute at ang pinuno ng Abu Sayyaf Group na si Isnilon Hapilon, ang mga pasimuno ng krisis sa Marawi City.
Ayon kay NCRPO Regional Director Oscar Albayalde, kahit walang natatanggap na report tungkol sa banta ng terorismo sa Metro Manila ay hindi nila inaalis ang posibilidad na maghiganti ang mga tagasuporta ng Maute at ng Abu Sayyaf sa pagkamatay nina Maute at Hapilon.
Aniya, hindi malayong mangyari ito dahil nasa Camp Bagong Diwa sa Bicutan,Taguig City ang mga kaanak at ilang tagasuporta ng Maute at ng ASG.
Idinagdag pa ni Albayalde na hindi nagpapakampante ang NCRPO, at nagpatupad pa ng mas mahigpit na seguridad sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Puspusan din ang pakikipag-ugnayan ng NCRPO sa Muslim community leaders sa Metro Manila upang tulungan ang pulisya sa pagpapaabot ng mahahalagang impormasyon.