Ni NORA CALDERON
SUNUD-SUNOD ang blessings na dumarating kay Marian Rivera, sa family life, sa endorsements, at higit sa lahat sa patuloy na pagtaas ng rating ng Super Ma’am.
Pinupuri siya ng lahat ng sumusubaybay kanyang primetime drama-fantasy kapag nakikita siya dahil hindi raw nila ini-expect na kakayanin niya ang mahihirap na eksenang ginagawa niya, lalo na kapag siya na si Super Ma’am.
“Labis ang pasasalamat ko sa mga sumusubaybay sa amin, kaya naman hanggang kaya ko ako talaga ang gumaganap sa eksena, hindi ako nagpapagamit ng double, at ini-enjoy ko naman ang ginagawa ko,” kuwento ni Marian. “Saka ang sarap magtrabaho kung maganda ang samahan ninyo. Kaya love na love ko ang mga kasama ko, sina Ninang Helen (Gamboa), si Carmina (Villarroel, na agad nang namatay ang character na inaasahan pala ng viewers na makaka-love team ni Al Tantay), si Jackie Lou Blanco at ang mga baguhang kasama ko, ang leading man kong si Matthias Rhoads na natutuwa ako kasi talagang nag-aaral na siyang magsalita ng Tagalog, si Jerald Napoles na komedyante namin sa set. Mga professionals din ang mga kabataang kasama ko sa serye.”
Ini-enjoy din ni Marian at ng iba pang cast ang weekend out-of-town shows nila to promote their series.
“Bukod kasi na nakararating ako sa iba’t ibang lugar, ang sarap ng feeling na personal mong nakakausap ang mga taong sumusubaybay sa iyo gabi-gabi.”
Pero recently, may mga bashings ng fans na nakarating kay Marian sa social media tungkol sa pang-iisnab daw sa kanya ni Cristine Reyes noong um-attend siya ng premiere night ng Seven Sundays, pelikula ng asawang si Dingdong Dantes kasama sina Aga Muhlach, Cristine, Ronaldo Valdez at Enrique Gil.
“Hindi totoo na inisnab ako ni Cristine,” mabilis na pagtatanggol ni Marian kay Cristine. “Hindi lang siguro nakita sa video o nakunan ng picture pero lumapit at nagbeso sa akin si Cristine. Bakit naman ako iisnabin ni Cristine, magkaibigan naman kami noon pa? Natuwa nga ako nang gabing ‘yon dahil na-meet ko nang personal si Ate Charlene (Gonzales) dahil kasama siya ni Kuya Aga. Na-meet ko rin si Liza Soberano na marami nang nagsasabi sa akin na beauty siya. Kaya sana wala na lang mga ganoong intriga dahil hindi naman totoo.”
May Instagram post nga pala si Charlene, after ng premiere night na, “@marianrivera, hoping to be neighbours soon?”
Sinagot ito ni Marian ng, “Awww, ateeeee, hahaha! Muah!”
Sina Aga at Charlene ay nasa Ayala Alabang, ibig bang sabihin ay doon din nagpapatayo ng bahay sina Dingdong at Marian?