Ni: Camcer Ordoñez Imam
CAGAYAN DE ORO CITY – Kahit napatay na ang dalawa sa pangunahing lider ng mga lokal na terorista sa Marawi City ay hindi pa rin magiging kampante ang mga militar, dahil inaasahan ng deep intelligence networks na hahalili ang isang dayuhan bilang pinuno ng extremist group sa Marawi City.
Bagamat inaamin ng Sandatahang Lakas na pangunahing panalo ng pamahalaan ang pagkakapatay kina Isnilon Hapilon at Omar Maute, sinabi ni Capt. Joe Patrick Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, na hindi nila iwinawaksi ang posibilidad na may mga tagasunod ang mga napatay na lider ng terorista na hahalili sa kanila.
Mahigpit na sinusubaybayan ngayon ang presensiya ng isang dayuhan, na maaaring mamuno sa teroristang grupo ngayong patay na si Hapilon.
Siya ay kinilalang si Dr. Mahmud Ahmad, isang Malaysian academician na militante na ngayon at eksperto sa mga armas, ayon sa isang unconfirmed report.
Si Ahmad, na kilala rin bilang Abu Handzalah, ay kinikilala bilang driving force sa likod ng pagkakabuklod ng Abu Sayyaf, Maute Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at Ansarul Khilafah Philippines, na nanumpang makikipaglaban sa ilalim ng Islamic State.
Sinasabing si Ahmad ay aktibong nakikipagbakbakan laban sa puwersa ng pamahalaan sa Marawi.