Ni: Franco G. Regala

CAMP OLIVAS, Pampanga – Kinumpirma kahapon ng Police Regional Office (PRO)-3 ang pagsibak sa hepe ng Olongapo City Police Office (OCPO)-Station 5 makaraang anim na tauhan nito ang makasuhan sa umano’y panghahalay sa isang 30-anyos na babaeng bilanggo at pinuwersa pa umano itong makipagtalik sa isang bilanggong lalaki sa harap nila, sa loob ng presinto.

Ayon kay PRO-3 director Chief Supt. Amador V. Corpus, ipinag-utos niya ang pagsibak sa puwesto kay Insp. Nasser Abdurrasul, hepe ng OCPO-Station 5, bilang “matter of standard procedure” habang nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang OCPO.

Oktubre 4, 2017 nang kinasuhan ng rape sina PO1 Raymond Diaz, PO3 Stevie Rivera, PO3 Diosdado Alterado, PO2 Nelson Abalos, PO1 Ed Mesias, at PO1 Gaylord Calara, pawang operatiba ng OCPO-Station 5, sa Olongapo City Prosecutors’ Office.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Bukod sa kasong rape, sinabi ni Chief Supt. Corpus na mahaharap din ang anim na pulis sa mga kasong administratibo sa Internal Affairs Service sa Camp Manuel F. Cabal.

Batay sa record, Hulyo 29, 2017 nang mangyari ang panggagahasa umano sa biktima sa isang opisina sa nabanggit na istasyon, bukod pa sa pinuwersa ito at isang lalaking bilanggo na magtalik sa harap ng mga suspek.

Isang concern citizen ang nagsumbong kay OCPO director Senior Supt. Melchor Cabalza tungkol sa pang-aabusong seksuwal sa presinto kaya agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang OCPO.

Natukoy na may basehan ang reklamo kaya kaagad na pinakasuhan ni Senior Supt. Cabalza ang anim na pulis.