Ni: Kier Edison C. Belleza
CEBU CITY – Cebu pa rin ang pinakamayamang lalawigan sa bansa sa nakalipas na tatlong taon, batay sa 2016 Annual Financial Report ng Commission on Audit (COA).
Papalo sa P32.43 bilyon ang kabuuang assets ng lalawigan noong nakaraang taon, o mas mataas ng P2 bilyon sa resulta ng 2015 audit na P30.33 milyon, ayon sa COA.
Ang naitala noong 2016 ay halos tatlong beses na mas mataas sa probinsiya ng Rizal na pumapangalawa, sa naitalang P11.73 bilyon sa kaparehong taon.
Pasok din sa sampung pinakamayayamang lalawigan sa bansa noong 2016 ang iba pang probinsiya sa Visayas, tulad ng Negros Occidental na pumangatlo sa P11.04 bilyon; Iloilo, na pampito sa P8.14 bilyon; at Leyte na nasa ikasampung puwesto sa P7.03 bilyong assets.
Ang top 10 ay kinumpleto ng Batangas (ikaapat) na may P9.9 bilyon assets; Bulacan (ikalima), P8.9 bilyon; Palawan (ikaanim), P8.1 bilyon; Laguna (ikawalo), P7.6 bilyon; at Nueva Ecija (ikasiyam), P7.22 bilyon.
Samantala, napanatili ng Cebu City ang ikaapat na puwesto sa listahan ng pinakamayayamang siyudad sa Pilipinas, sa assets na aabot sa P32.623 bilyon.
Tumaas ito ng P200 milyon kumpara sa P32.41 bilyon kinita noong 2015.
Muling pinangunahan ng Quezon City ang listahan sa kabuuang assets na P59.56 bilyon. Sinundan ito ng Makati City, P54.85 bilyon; at ng Maynila, P36.10 bilyon.
Pasok din sa tala ang siyudad ni Pangulong Duterte, ang Davao City, na nasa ikasiyam na puwesto sa kabuuang assets na P9.899 bilyon.
Kabilang din sa mga napanatili ang puwesto sa tala ang Pasig City (ikalima) sa P29.9 bilyon assets; Taguig (ikaanim), P16.2 bilyon; Pasay (ikapito), P14.9 bilyon; Caloocan (ikawalo), P14.7 bilyon; at Iligan (ikasampu), sa kitang P9.9 bilyon.