Ni REGGEE BONOAN
SINO ba ang dapat sisihin sa pagiging negatibo ngayon ni Marlou Arizala o Xander Ford, siya mismo o ang mga taong nagpapatakbo ng career niya?
Baka naman kasi sinasabihang sikat na siya o hindi pinagsasabihang kailangang baguhin na ang ugali niya (dati na siyang mayabang, may experience kami) na mas lumalala ngayon.
Noon kasing nakaraang taon na Marlou pa siya, nagpatulong ang kaibigan namin kung puwede siyang maimbitahan sa isang special appearance sa Marikina City dahil medyo kilala na siya noon bilang Hash5 member.
Nakita namin si Marlou sa gazebo ng ELJ Building ng ABS-CBN Gazebo na pakalat-kalat at hindi kami sure kung may manager siya kasi siya ang nagpresyo sa sarili niya ng P10,000 per appearance.
Tinanong namin siya kung may bawas, sinagot kami ng, “Ay, wala na, sikat na ako ngayon, eh.” Napangiti na lang kami sabay paalam.
Matagal ding wala kaming balita kay Marlou hanggang sa nagparetoke na siya at naging Xander Ford na may manager na pala.
Naitatanong namin kung sino ba ang dapat sisihin sa ugali ngayon ng binatang ito dahil ang namamahala sa kanya ngayon ay may ginawang hindi maganda kay Katotong Maricris Nicasio.
Sa kuwento, inimbita si Xander Ford sa isang public school event at naningil ang manager niya ng P60,000 para sa isang oras na appearance. Naloka ang mga estudyante na wala pa nga namang trabaho o kita pero manggagaling sa kanila ang budget, kaya sinubukan nilang tumawad at sinabing P20,000 for 15 minutes appearance.
Gusto talaga nila si Xander kaya tumawad pa sila ng P10,000 bagamat bubunuin pa nila ang kabuuang halaga sa mismong araw ng event, pero tumawag ang management company ng binata at nag-demand na kailangang kumpleto na ang bayad tatlong araw bago ang mismong event.
Naikuwento ng isa sa mga estudyante sa taong kakilala ni Katotong Maricris na pinayuhan sila ng dapat ay sa eksaktong araw ng event ibibigay ang kabuuang bayad.
Ipinaliwanag ito ng mga estudyante sa manager ni Xander na nagtanong kung sino ang nagsabi at kanino natutuhan ang katwirang ito.
Heto na ang nakakaloka, Bossing DMB, nang malaman kung sino ang nagpayo sa mga estudyante ay ipinagtanong ng manager ni Xander sa kaibigan nating si Chuck Gomez na publicist ng Icon Medical Clinic na nagretoke kay Marlou kung kilala nito ang Maricris Nicasio at kung legit writer/editor ba siya.
Sa pagkakatanda namin, dalawang beses nang nagpa-presscon ang grupo ng management company ni Xander Ford at kasama si Katotong Maricris sa mga inimbitahan, nakalimutan kaya nila o mga bago na sila?
Hindi na namin ikukuwento kung anu-ano ang ipinagtatanong nila kay Chuck na sa kuwento ni Katotong Maricris ay talagang pinagdudahan pa siya.
Sa ganang amin, kaya ganyan ang ugali ni Xander dahil na rin sa epekto sa kanya ng management company niya kung paano makipag-deal sa tao at kung paano ilagay sa utak niyang sikat na siya.
Mabait si Xander, katunayan ay bukambibig niya na pamilya niya ang dahilan ng mga nagsisikap niya. Wala kaming masasabi pagdating sa ganoong aspeto, pero sana’y maisip niya kung paano niya mararating ang tagumpay na sa halip na marami ang taong tutulong sa kanya ay pabawas nang pabawas dahil hindi maganda ang nagiging reputasyon niya sa showbiz.
Hindi masama kung matututo siyang maging mapagpakumbaba ngayong nagbago na ang mukha niya. Iwanan na sana niya ang dating ugali noong Marlou pa siya.
‘Tapos heto, tinalo pa niya si Kathryn Bernardo na wala namang masamang ginagawa sa kanya.
Bagamat itinanggi na ni Xander Ford na tinawag niyang ‘sakang’ ang bida ng La Luna Sangre at nagpalabas na rin ng official statement ang manager niya na hindi totoo, paano nila mapapahupa ang supporters ni Kathryn na galit na galit sa kanya.
Hayan, marami na ang ibang artista na nagbigay ng saloobin nila tungkol sa binata tulad nina Gretchen Ho, Sofia Andres, Yana Asistio, at Karla Estrada at binigyan siya ng payo.
Nagpahayag si Sofia sa pamamagitan ng Twitter na, “I’ve worked with him (Xander Ford) when I was still working for Chillout and he was really nice to me & approachable. I’m deeply disappointed with what I’m seeing right now on social media. Can they also do something with his heart and mind? maybe the doctors can change it also. Attitude is still sharp.”
Say naman ni Gretchen, “Just because you’ve overcome your battles doesn’t mean you have a right to bash others. Remember when you yourself were there?”
Tweet naman ni Yana Asistio, “Xander Ford, minsan you have to choose the right people to judge and disrespect. But you chose the wrong person because you have no idea. How much everyone love Kath. Sana next time kung magpapatawa ka ‘yung taong kilala mo. I will pray for you. Sometimes it’s not the the looks anymore.. for me most of the time it’s your inner heart that will make people love you,”
At ang payo ni Karla Estrada: “Lesson Learned. Ugaliin ang magsalita ng maganda sa kapwa. Matutong harapin ang pagkakamali at humingi ng tawad.”
Ang opisyal statement naman ni Kathryn sa kanyang IG account, “Being called names is painful. But one good thing about pain is it teaches you something. It teaches you that you are more than hurtful words and labels. You are more than the flaws that people see. You are more than their victim. Choose to stand up against cyberbullying and BE MORE!”
Partida, Xander Ford, hindi pa nagsasalita si Daniel, ‘yan ang ingatan mo dahil kilala namin ang aktor. Sana lang ‘pag nagkasalubong kayo isang araw, e, nasa mood si DJ dahil ayaw na ayaw niyang sinasaktan o nakakarinig ng hindi magandang salita laban sa girlfriend niya.
Matuto kang magpakumbaba, Xander Ford. Huwag mong paliitin nang paliitin ang mundo mo sa showbiz. At sa management company ng binata, huwag muna ninyong paniwalaing sikat na ang alaga ninyo dahil sa totoo lang hindi pa.
Dapat mag-workshop kayo kay Ogie Diaz para matuto kayo kung paano makikipag-usap o makikihalubilo sa tao, tutal naman nagprisinta na siya sa ‘yo, di ba, Xander?