Ni: Bert de Guzman
INIHAYAG ng mga lider ng ruling PDP-Laban na walang awtoridad si Speaker Pantaleon Alvarez na magpatalsik o alisin ang sino mang miyembro ng partido. Ito ang lapian ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ni Senate Pres. Koko Pimentel.
Sa isang pahayag ni PDP-Laban National Capital Region chairman Abbin Dalhani, pinuna niya ang pagpapatalsik o removal ng mga regional president ni Alvarez. Ito umano ay labag sa batas at taliwas sa party procedures. Idiniin niya na tanging ang regional councils ang may awtoridad na magpatalsik o magtanggal ng regional presidents. Baka akala ng Speaker ay Kamara ito na puwede niyang gamitin ang taglay na poder.
Sa kabila ng pagmumura ni PRRD laban sa mga miyembro ng European Union (EU) na tinawag niyang mga “gago” at “estupido” at pagpapalayas sa lahat ng EU ambassadors sa loob ng 24 oras, naniniwala si Sen. Loren Legarda na mananatiling matatag ang relasyon ng Pilipinas at ng EU members. Tiyak naliwanagan na rin ang Pangulo.
Samantala, alam ba ninyong isang panukalang batas ang nakahain sa Kamara na ang layunin ay parusahan ang mga employer na nabigong bayaran ang sahod ng mga kawani sa tamang oras at petsa? Ang panukala (HB 6537) ay inakda ni Manila Rep. Manuel Lopez (1st District), anak ni ex-Manila Mayor Mel Lopez, na nagsabing kawalang-hustisya at hindi pagpapasahod sa takdang panahon na dapat nilang tanggapin para sa kanilang mga pamilya.
“These employees in the private and government sector continue to experience late payment of their salaries that force them to incur debts to be able to meet their daily needs,” ayon kay Lopez. Marami sa mga manggagawa at empleyado ang hindi nasisiyahan sa pinaghirapan dahil ibinabayad lang ito sa interes sa inutang dahil delayed nga ang kanilang sahod.
Isa pang panukalang batas ang inakda naman ni Manila Rep Carlo Lopez (2nd District) tungkol sa employer-employee relationship. Papatawan ng multang P100,000 sa payroll masters na nabigong mai-disburse ang kaukulang bayad kung may nakalaang pasahod para rito. Multang P200,000 ‘pag nabigong ipaalam sa employer na walang pondo sa pasahod.
Samantala ang employer at payroll master ay pananagutin kapag nabigong magpasahod nang walang dahilan o katwiran.
Pagmumultahin sila ng P500,000 at pagpapatigil sa operasyon ng negosyo sa loob ng 30 araw sa unang pagkakasala. Sa ikalawang paglabag, multang Isang milyon sa employer at stop operations sa loob ng 90 araw. Sa ikatlong paglabag, papatawan ng tatlong milyong multa at pagpapatigil sa negosyo.
Matindi ang paniniwala ni SC Senior associate justice Antonio Carpio na ang kasong drug-trafficking o illegal drug trade laban kay Sen. Leila de Lima ay “pure invention” at maituturing na pinakamataas na antas ng kawalang-hustisya. Ayon sa kanya, ang kaso ni De Lima ay dapat hawakan ng Ombudsman at Sandiganbayan dahil ang ikinakaso ay nangyari noong siya pa ang Kalihim ng Dept. of Justice.
May kasabihang mahirap banggain ang “City Hall”. Ang “City Hall” dito ay si PDU30, target ng maaanghang na batikos at puna ng senadora. Mahirap tinagin ang “pader” kung kaya kapag minalas si De Lima, baka tapos na ang kanyang termino ay nakakulong pa rin siya. Karma ba ito?
Ngayong ang Oplan Tokhang ay inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa PNP ni Gen. Bato, ang P900 milyong budget para rito ay ibibigay sa PDEA, na mangunguna sa drug war ni Mano Digong. Kung madugo, mabangis at brutal ang Oplan Tokhang ng PNP, nangako naman ang puno ng PDEA na hindi ito magiging madugo. Sana naman ay tuparin ito ni PDEA Chief Aaron Aquino.