Ni: Alexandria Dennise San Juan, Bella Gamotea, Jun Fabon, Rommel Tabbad, Mary Ann Santiago, at Beth Camia
Kasabay ng pagmamalaki kahapon ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na 90 porsiyento ng transportasyon ang naparalisa sa pagsisimulan ng dalawang-araw nilang tigil-pasada sa bansa, iginiit naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na walang naging epekto ang transport strike sa mga pasahero, partikular sa Metro Manila.
Sa partial field report ng transport paralysis na isinapubliko ng PISTON bandang 11:30 ng umaga kahapon, sinabi nitong 90% ng 300,000 public utility jeepney (PUJ) sa bansa ang sumali sa tigil-pasada laban sa public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.
Ayon sa grupo, 92% ng 60,000 jeepney sa Metro Manila ang sumali sa strike kahapon: 100% sa Makati at Parañaque, 97% sa Camanava, 95% sa biyaheng Sta. Mesa, 90% sa Novaliches, Zapote, Anda Circle, Litex, Marikina, at Maynila; at 80% sa Cubao.
Sinabi ng PISTON na naparalisa rin ang biyahe sa Nueva Vizcaya, Bulacan, Butuan City, at GMA, Cavite – 100%; Pampanga – 98%; Laguna, Davao, Rizal, at Albay – 95%; Camarines Sur – 90%; Masbate – 80%; Baguio – 75%; Surigao City – 60%; at Cebu City – 50%.
Gayunman, sinabi ng LTFRB at MMDA na hindi na ito nagpakalat pa ng maraming sasakyan para sa libreng sakay dahil hindi naman ramdam ang epekto ng tigil-pasada sa Metro Manila.
Sinabi ni LTFRB member at spokesperson, Atty. Aileen Lizada, na batay sa 23 bus na ipinakalat nila sa Metro Manila, 1,140 pasahero lamang o 0.011% ng 10 milyong pasahero ng jeep ang naapektuhan ng strike.
Ayon pa kay Lizada, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon upang matukoy ang mga jeepney driver na sumama sa protesta dahil kakanselahin ng LTFRB ang prangkisa ng mga ito.
Samantala, mariin namang itinanggi ni PISTON National President George San Mateo na bahagi ng destabilization plot ang dalawang-araw nilang tigil-pasada, gaya ng akusasyon ng LTFRB.
Tinawag pa ni San Mateo na “unfair” at “diversionary tactics” ng pamahalaan ang nasabing bintang sa kanila.
“Ang issue rito ay may legitimate na kilos-protesta ang mga driver at jeepney operator kasi mawawalan sila ng kabuhayan. Mawawalan ng kabuhayan, at ang gusto ng gobyerno, ibigay itong transportasyon sa malalaking korporasyon,” ani San Mateo.
Kaugnay nito, nanindigan naman ang gobyerno na hindi nito iuuring ang pinaplanong jeepney modernization program kahit pa patuloy na nagkakasa ng tigil-pasada ang ilang transport group.
“The Administration remains committed to the Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVVMP), which is long overdue,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.