Ni: Department of Health
ISA sa bawat tatlong Pilipino ay mayroong problema sa pag-iisip, ayon sa isang psychiatrist sa National Academy of Science and Technology (NAST), na nanawagan sa mas pursigidong pagsisikap ng gobyerno para maging bukas sa lahat ang mental health care sa buong bansa.
Inihayag ni University of the Philippines-College of Medicine professor emeritus Dr. Lourdes Ignacio, na nakatanggap ng Geminiano T. De Ocampo Visionary Award for Medical Research 2017 mula sa NAST nitong Huwebes, na aabot sa 28.48 milyong katao sa mula sa 110 milyong Pilipino ang nakakaranas ng problema sa pag-iisip.
Sinabi ni Ignacio na napag-alaman niya ang pagtayang ito sa survey na isinagawa ng UP Philippine General Hospital sa Western Visayas mahigit 20 taon na ang nakalilipas, kung saan 36 na porsiyento sa populasyon ay nakararanas ng problema sa pag-iisip.
Inilahad ni Ignacio na ang sukdulan ng problema ay nakita sa iba pang isinagawang survey sa mga munisipalidad, gaya ng mga lugar na sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong 2013, partikular sa Marabut, Samar at sa mga bayan ng Carles at Estancia sa Iloilo.
Ayon sa kanya, aabot lamang sa limang porsiyento o 4.45 milyong kaso ang namataan sa mga public health worker at nabigyan ang mga ito ng kaukulang pangangalaga sa kalusugan ng pag-iisip.
Sa kanyang lecture sa “Reaching the Unreached: Integrating Mental Health Care in General Health Care” sa mga national academian at mga national scientist ng NAST nitong Huwebes, sinabi ni Ignacio na karaniwan nang dumaranas ng psychiatric problems ang mga bumalik na overseas Filipino worker (OFW) at mga naapektuhan ng kalamidad, gayundin ang mga pamilyang mayroong abusadong mga magulang, dahil sa “extreme life experiences” ng mga ito.
Ang “extreme life experiences”, na inilarawan ni Ignacio sa pamamagitan ng pamumuhay na malapit sa mga trahedya, karahasan sa tahanan, terorismo, aniya, ay bahagi ng buhay ng mga Pilipino.
Idinagdag pa ni Ignacio na kailangang paigtingin ang pagsusuri sa mga kaso ng mental health upang maagapan ang mga ito at hindi mauwi sa psychiatric disorders.