SINABI nitong Sabado ni Pangulong Duterte na wala siyang pakialam sa ratings na nakukuha niya sa mga public opinion survey. Ayon sa kanya, ipagpapatuloy na lamang niya ang pagtatrabaho.
Sa mga ratings na katatapos lamang isapubliko ng dalawang pangunahing survey organization sa bansa — ang Social Weather Stations at Pulse Asia — makikita natin ang dahilan kung bakit ayaw nang pansinin ng Pangulo ang ratings.
Natuklasan ng SWS ang 60 porsiyentong pagbulusok ng trust rating ng Presidente, habang dumausdos naman ng 48 porsiyento ang satisfaction rating niya sa survey nitong Setyembre. Makalipas ang ilang araw, isinapubliko naman ng Pulse Asia sa survey nito sa kaparehong buwan—parehong naitala sa 80 porsiyento ang trust at approval ratings ng Pangulo.
Paliwanag ng Pulse Asia sa malaking kaibahan ng resulta, ang dalawa nitong survey ay ibinatay sa panayam sa dalawang magkaibang grupo ng respondents bilang sample. Subalit sa malaking pagkakaiba sang resulta ng dalawang survey, may problema marahil sa sampling technique ng isa o parehong organisasyon. Ang sample ng 1,500 respondents ay dapat na sumalamin sa opinyon ng 100 milyong Pilipino. Halimbawa, malaki talaga ang magiging kaibahan ng resulta kung mas maraming tagasiyudad ang kinapanayam laban sa mga nasa lalawigan.
Nariyan din ang posibilidad na nagkaroon ng bias sa naging pagtatanong, sa lugar at panahong isinagawa ang panayam, sa hitsurang panlabas ng nagsagawa ng panayam. Halimbawa, mukha bang kawani ng gobyerno ang nagsagawa ng panayam? O isang pulis kaya?
Nakagugulat na sadyang napakalaki ng kaibahan ng natuklasan ng dalawang survey organization. Madali lamang maipaliliwanag ang kaibahan sa ilang puntos, subalit napakalaki ng pagkakaiba sa 48 porsiyentong naitala ng SWS sa 80 porsiyento ng Pulse Asia para sa satisfaction rating.
Umaasa tayong magagawang resolbahin ng parehong survey organization ang kanilang pagkakaiba upang maibalik ang kumpiyansang nasalang sa alanganin sa magkataliwas nilang survey findings. Tuwing walang eleksiyon, ang mga survey pa rin ang pinakaepektibong paraan upang maiparating ng mamamayan sa kanilang mga opisyal kung ano ang kanilang iniisip at nararamdaman, at kung ano ang kanilang mga pangangailangan.
Para kay Pangulong Duterte, ang agaran niyang reaksiyon ay ang balewalain na lamang ang mga survey at tutukan ng pansin ang pagtupad sa kanyang mga tungkulin bilang presidente ng bansa. Nasimulan na niya ang pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa at kurapsiyon sa pamahalaan. Malapit na rin niyang simulan ang malawakang programang imprastruktura na magsusulong ng pagpapasigla sa ating pambansang ekonomiya.
Sa kabuuan, tunay na dapat niyang seryosohin ang paglilingkod sa bayan, subalit mahalaga ring pagsikapan niyang alamin ang mga pangangailangan ng mamamayan — partikular na ang mahihirap — na bumubuo sa ating bansa.