Ni FRANCO G. REGALA

CAMP OLIVAS, Pampanga – Anim na operatiba ng Olongapo City Police-Station 5 ang kinasuhan ng rape sa umano’y panghahalay ng ilan sa kanila sa isang 30-anyos na babaeng nakakulong dahil sa ilegal na droga, at pinilit pang makipagtalik sa kapwa bilanggo sa harap nila, sa loob mismo ng presinto.

Inihain ang kasong rape laban kina PO1 Raymond Diaz, PO3 Steve Rivera, PO3 Diosdado Alterado, PO2 Nelson Abalos, PO1 Ed Mesias, at PO1 Gaylord Calara, pawang tauhan sa nasabing himpilan na nasa Barangay Sta. Rita, sa Olongapo City Prosecutors Office nitong Oktubre 4, ayon sa report kay Police Regional Office (PRO)-3 director Chief Supt. Amador V. Corpus.

Sa report ni Senior Insp. Ailyn Cacyorin Rosario, officer-in-charge ng women’s desk ng Olongapo City Police Office (OCPO), nangyari ang insidente noong Hunyo 29 habang nakapiit ang biktima sa nabanggit na presinto sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Batay sa report, pinalabas ni PO1 Calara ang biktima para magtapon ng basura, ngunit nang bumalik ay pinapasok ito nina PO1 Mesias at PO3 Rivera sa kanilang opisina at inutusan umanong magsayaw nang nakahubad. Bagamat tumalima ang babae, nagmakaawa siyang huwag siyang paghubarin.

Nakasaad pa sa report na isa-isang umalis ang ibang mga pulis sa nasabing opisina hanggang maiwan na lang si PO1 Diaz, na umano’y gumahasa sa bilanggo.

Nang magbalikan ang iba pang mga pulis, pumasok sa opisina ang isa pang bilanggo, si Mark Famisan, at inutusan ang dalawang preso na magtalik sa harap nila, kasama umano si PO3 Alterado.

Hindi naisapubliko ang insidente hanggang sa isang hindi kinilalang tao ang magsumbong sa OCPO, ayon kay OCPO director Senior Supt. Melchor Cabalza.

“Kaya nag-conduct agad tayo ng internal investigation para malaman natin kung totoo ang information at masiguradong walang foul play dito. After finding some probable cause, kami na rin ang nag-file ng rape charge against the police officers,’’ sinabi ni Cabalza sa Balita.