NI: Fer Taboy
Patay ang isang pulis habang sugatan naman ang isa pa sa pag-atake ng hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa dalawang himpilan ng pulisya sa Sorsogon.
Sa report na nakarating sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame sa Quezon City mula sa Sorsogon Police Provincial Office (SPPO), kinilala ang napatay na pulis na si PO2 Dennis Garbida, ng Gubat Municipal Police.
Nasugatan naman si PO2 Dionne Cañada ng Bulan Municipal Police.
Ayon kay PO2 Ricky Ofalsa, kasamahan ni Garbida, bigla na lamang silang pinaputukan ng mga armadong nakasuot ng camouflage uniform at sakay sa puting van at motorsiklo, at hinihinalang mga miyembro ng NPA, dakong 6:00 ng gabi nitong Linggo.
Nagawa pa aniya nilang gumanti ng putok ngunit tinamaan si Garbida at kaagad na namatay.
Makalipas ang isang oras makaraang salakayin ang presinto sa Gubat, inatake naman ng mga rebelde ang Bulan Police.
Nasugatan si Cañada sa pamamaril at nagpapagaling na ngayon.