WALANG tapang, at maging atungal ay hindi magawa ng University of Santo Tomas Tigers.

Naghabol nang mahigit 30 puntos ang Tigers sa kabuuan ng laro para maitarak ng Far Eastern University Tamaraws ang 96-70 panalo kahapon sa UAAP Season 80 second round men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre.

Natamo ng UST ang ikasiyam na sunod na kabiguan – pinakamasaklap na simula ng Tigers sa pamosong liga sa nakalipas na taon – habang nakabawi ang FEU sa kabiguang natamo sa kamay ng La Salle Green Archers para sa 5-4 karta.

Sa pangangasiwa ni coach Boy Sablan, dalawang season nang sablay ang Tigers na sumabak na wala ang starter na sina Steve Akomo at Jordan Sta. Ana.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna si Ken Tuffin sa FEU sa naiskor na 14 puntos, habang kumubra si Arvin Tolentino, nagbalik aksiyon mula sa isang larong suspensiyon, ng 13 puntos, limang rebounds, at tatlong steals.

Nag-ambag sina Wendell de Guzman at Jeepy Faundo ng tig-17 puntos para sa Tigers.

“It’s too bad for UST na wala ‘yung top two players nila,” pahayag ni FEU coach Olsen Racela. “I kept reminding the boys that ‘yung mga losses ng UST, although before the game 0-8 sila, were close games.”

Iskor:

FEU (96) - Tuffin 14, Tolentino 13, Parker 10, Dennison 9, Ebona 8, Comboy 8, Nunag 8, Cani 6, Escoto 5, Orizu 4, Trinidad 4, Ramirez 3, Inigo 2, Stockton 1, Bienes 1, Bayquin 0.

UST (70) - De Guzman 17, Faundo 17, Caunan 12, Lee 9, Macasaet 7, Huang 4, Romero 2, Basibas 2, Soriano 0, Garcia 0, Escalambre 0, Kwawukumey 0.

Quarterscores: 29-17, 53-27, 81-46, 96-70.