Nina SAMUEL MEDENILLA at CHARISSA LUCI-ATIENZA

Hindi basta abogado ang kailangan para magiging susunod na Commission on Election (Comelec) chief.

Sa isang panayam, sinabi ni Comelec chairman Andres Bautista na ang kanyang kapalit ay dapat na bihasa sa ibang disiplina dahil sa lumalawak na ang responsibilidad ng poll body.

Sa dalawang taon niya bilang pinuno ng Comelec, sinabi ni Bautista na magiging advantage para sa kanyang kapalit na magkaroon ng kaalaman sa management, logistics, at information technology dahil ang poll body ay dadaos ng mas maraming automated elections sa hinaharap.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, sinabi niya na ang susunod na Comelec chair ay dapat na abogado at pasensiyoso rin dahil magiging in charge sila ng quasi-judicial body ng pamahalaan.

“This job is difficult. You have to have patience,” ani Bautista.

Pagsisilbihan ng bagong Comelec chairman ang nalalabing termino ni Bautista, na magtatapos sa Pebrero 2, 2022.

Noong nakaraang linggo, ipinahayag ni Bautista ang kanyang resignation, na magkakabisa sa Disyembre 31, 2017 upang bigyan ng panahon si Pangulong Rodrigo Duterte na makapili ng kanyang kapalit.

RESIGN NOW

Samantala, tuloy ang House of Representatives sa pagpoproseso ng impeachment ni Bautista.

Sinabi ni Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwendolyn Garcia, isa sa mga nagsusulong ng impeachment complaint, na ititigil lamang ng Mababang Kapulungan ang mga pagsisikap na i-impeach ang poll chief kapag kaagad na magbitiw si Bautista sa puwesto at hindi na hihintayin pa ang Disyembre 31.

“The process will continue unless and until he will..you know..he will move his resignation date,” aniya sa panayam sa radyo, ipinaliwanag na para maligtas si Bautista sa conviction ng Senate Impeachment Court, dapat ay kaagad itong magbitiw.

“Eh magre-resign ka pala eh. Do it, do it immediately. Mag-resign ka na para naman the institution can start repairing the damage that all of this has done,” punto ni Garcia.

Inaakusahan si Bautista ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay sa mga alegasyon ng P1-bilyong nakaw na yaman, mga iregularidad sa 2016 national elections at kawalan ng kakayahan sa pagtugon sa hacking attack sa website ng Comelec.