NI: Orly L. Barcala
Arestado ang isa umanong miyembro ng Salisi Gang matapos nitong tangayin ang cell phone ng isang sales lady sa mall sa Valenzuela City kahapon.
Ayon kay SPO1 Ronald Tayag, kasong theft ang isinampa laban kay Ricardo Dela Paz, 52, ng No. 1228 Barcelona Street, Barangay 177, Zone 39, Tondo, Maynila.
Ayon sa biktimang si Arlene Ortiz, 28, abalang-abala siya sa pag-asikaso sa kanyang mga customer sa 3rd floor ng SM Hypermart sa Mac Arthur Highway, Bgy. Karuhatan ng nasabing lungsod, bandang 12:25 ng tanghali.
“Ipinatong ko po sa salamin ‘yung cell phone ko, paglingon ko nakita ko ang mama na kinuha niya ito at nagmamadaling nagpunta sa escalator,” kuwento ni Ortiz.
Hinabol ni Ortiz si Dela Paz at tiyempong nakatambay ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Rider (TMR) ng Valenzuela Police sa tapat ng pintuan ng mall at inaresto ang suspek.