NANGAKO ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at ang pamahalaang bayan ng Carles sa Iloilo na patuloy na babantayan ang karagatan ng Gigantes Island, matapos ideklara noong nakaraang linggo na ligtas na sa red tide ang isla.
Idineklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ang karagatan ng Gigantes Island “are now negative from the red tide toxin.”
“Negative results for paralytic shellfish poison were obtained from three consecutive weeks of sampling in the area,” saad sa tatlong magkakasunod na pahayag, na nilagdaan ni Undersecretary for Fisheries at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Eduardo B. Gongona.
Inihayag ni Gongona na ang mga sample ng shellfish na nakolekta mula sa karagatan ng isla ay ligtas na ngayong kainin.
Pinapahintulutan na rin ang paghahango at pagbebenta ng shellfish mula sa isla, ayon pa kay Gongona.
Sa pahayag ng kawanihan noong Agosto 30, 2017, inilahad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nasuring positibo sa red tide ang karagatan ng isla at apektado ang mga barangay ng Lantangan, Granada, Asluman at Gabi. Ang Asluman at Gabi ay itinuturing na “Scallops Capital of Carles.”
Aabot sa 85 porsiyento ng 2,500 pamilya ang naapektuhan ng red tide dahil pangongolekta ng scallops o kabibi ang pangunahin nilang pinagkukuhanan ng ikinabubuhay.
Pagsapit ng Setyembre 29, isinailalim ng munisipalidad ng Carles, sa pamamagitan ng Sangguniang Bayan nito, ang apat na nabanggit na barangay sa state of calamity, kaya pinayagan ang pamahalaang bayan na gamitin ang kanilang calamity funds.
Sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Western Visayas Director Remia Aparri sa magkakaloob pa lamang ng ayuda ang regional office para sa mga residenteng naapektuhan ng red tide.- PNA