RARATSADA ang Le Tour de Filipinas sa ikasiyam na season sa Pebrero tampok ang lalawigan ng Catanduanes bilang sentro ng aksiyon sa unang pagkakataon sa Union Cycliste Internationale Asia Tour race.

Nakatakda ang Category 2.2 event sa Pebrero 18-21 na tatampukan ng 15 koponan kabilang ang mga premyadong foreign-based Continental Teams.

Ang Stages One (February 18) at Two (February 19) ay sisibat sa mga lansangan ng Virac – ang kapitolyo ng Catanduanes – sa distansiyang 158.97-kilometer na mas pinaigting ang hamon ng ruta sa tatlong King of the Mountain points, habang ang second stage ay may layong 134.95-km.

Ang susunod na dalawang stage ay maglalakbay sa lansangan ng Albay at Sorsogon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May layong 166.85 km ang Stage Three sa February 20 na tatahakin ang Legaspi City patungo sa Sorsogon City at kabilang sa dadaanan ang Bulusan. Ang Stage Four sa February 21 ay may distansiyang 209.17-km kung saan babagtasin ang mga riders ang kagandahan sa kapaligiran ng pamosong Mayon Volcano.

Makasaysayang sa libro ng cycling ang Catanduanes dahil dito ipinanganak ang cycling icon na si Jose Sumalde, isa sa apat na Pinoy rider na nagwagi ng back-to-back sa prestihiyosong Philippine Tour (1964-65).

Ayon sa race organizer Ube Media Inc. ang 400-member entourage ay bibiyahe sa Virac o Legaspi City mula sa Tabaco City at sasakay ng ferry para makatawid sa Maqueda Channel patungo sa San Andres sa Catanduanes.