MATAGAL nang sinasabi na ang impeachment ay hindi prosesong panghukuman kundi pulitikal. Subalit dapat na nakabatay ito sa matitibay na reklamo na sumasalang sa prosesong itinatakda ng Konstitusyon.
Binubusisi ng House Committee on Justice ang mga reklamo at ito ang nagpapasya kung may sapat itong basehan, una sa “form” o malinaw na hindi espekulasyon lamang ang reklamo, at sa “substance” o karapat-dapat sa paglilitis. Sakaling makatupad sa dalawang criteria na ito at inaprubahan ng komite ang mga reklamo, isasalang na ito sa plenary session para pagbotohan ng lahat ng miyembro ng Kamara. Sakaling aprubahan ng Mababang Kapulungan, didiretso na ang reklamo sa Senado na magsisilbing hukuman, lilitisin ang kaso, at sa huli ay magbibigay ng pinal na desisyon kung sesentensiyahan o pawawalang-sala ang akusado.
Sa kaso ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista, isang pambihirang bagay ang nangyari. Sa botong 26-2, ibinasura ng Committee on Justice ang mga reklamo bilang insufficient in form. Subalit nang magbotohan na ang buong Kamara, bumoto sila ng 135-75-2 upang i-impeach si Bautista.
Pinahihintulutan ito, ayon sa mga pinuno ng Kongreso, pero sadyang pambihira ang nangyari. Sinabi ng isang kongresista na dapat na ibinalik na lamang ng Kamara ang kaso sa Committee on Justice para muling himayin upang matukoy kung ang mga reklamo ay parehong sufficient in form at substance, nang sa gayun ay magkaroon ng “wastong” pasya ang buong komite.
Mayroong makakapangyarihang dahilan na nag-udyok sa Kamara upang isantabi ang umiiral na proseso—at balewalain ang naunang pasya ng Committee on Justice at bumoto pabor sa impeachment. Ngunit, gaya rin ng matagal nang sinasabi, ang impeachment ay isang prosesong pulitikal.
Bago pa bumoto ang Kamara, inihanda na ni Chairman Bautista ang kanyang letter of resignation para kusang bumaba sa puwesto sa Disyembre 31, o dalawa’t kalahating buwan mula ngayon. Malinaw na hindi pa rin sapat ito kaya naman biglaang nagpasya ang mga miyembro ng Kamara gaya ng ginawa nila.
Isa pang mataas na opisyal sa bansa ang nahaharap sa reklamong impeachment — si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno — kaugnay ng ilang pagpapasya niya at ng usapin sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth. Makaraang bumoto ang Committee on Justice pabor sa kanyang impeachment nitong Oktubre 5, sinabi ng mga tagapagsalita ng Punong Mahistrado na maaaring totoong nakasalalay sa numero ang pagpapasya sa Kongreso, subalit walang kinalaman sa bilang ang katotohanan at ang hustisya. “The Chief Justice remains confident that in the end, truth and justice will prevail.”
Ganito rin ang aming inaasam, ngunit kasabay nito, dapat na handa tayong harapin ang realidad, gaya ng nangyari kay Comelec Chairman Bautista.