Isinisisi ni Senador Bam Aquino ang fake news sa pagkakabasura ng kanyang Senate Bill No. 357 o panukalang magtatag ng food bank.
“Dahil sa paggamit ng fake news laban sa akin, pati ang mabuting reporma, siniraan na. Sayang ang Zero Food Waste bill na magpapatayo sana ng mga food banks sa bansa,” wika ni Aquino.
Batay sa panukala, lilikha ng National Anti-Food Waste Scheme, na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang coordinating agency, sa pagitan ng mga negosyong may kinalaman sa pagkain, tulad ng food manufacturers, supermarkets, restaurants, cafeterias at hotels at food banks. Aatasan ang mga restaurant at supermarket na ibigay ang mga hindi nakonsumong pagkain, tulad ng de-lata at bigas, sa food distribution charities o “food banks” upang mabigyan ng pagkain ang mahihirap na pamilyang Pilipino.
Subalit siniraan ito ng ilang kaduda-dudang website at blogs, sinabing layunin nito na ibigay ang tira-tirang pagkain sa mahihirap.
“I can overlook the name-calling, pero sayang naman ang panukalang ito na makakatulong sa mga Pilipinong nagugutom. Nakain na ng fake news ang food bank bill,” wika ni Aquino. - Leonel M. Abasola