INILUNSAD na ng multi-talented star ng GMA Artist Center na si Nar Cabico ang kanyang first single na Gaga nitong nakaraang Huwebes, October 12, at available na ito sa mahigit 180 digital stores worldwide.
High school pa nang magsimulang magsulat ng mga awitin si Nar. Nang tumuntong sa edad na 21, napabilang siya sa prestihiyosong Elements Songwriting Camp at siya and tinanghal na Favorite Songwriter sa kanyang batch.
Isa sa mga orihinal na komposisyon niya ang Gaga na inihahandog niya para sa kanyang mga kaibigang nagpapakagaga sa pag-ibig.Ayon kay Nar, siya ang nagsisilbing takbuhan o hingahan ng kanyang mga kaibigan kapag may problema ang mga ito sa pag-ibig.
“Marami kasi akong kaibigan na nagko-confide sa akin about love. Nakikita kasi nilang successful ‘yung relationship ko kaya naman gusto nilang humihingi ng advice kung paano i-solve ang mga bagay-bagay sa relasyon nila. Sa akin sila lumalapit at ako ang nagsisilbing hingahan nila. And a lot of times sinasabihan ko sila, ‘Gaga, kagagahan lang ‘yan.’ Kaya ko sinulat ‘yung Gaga para isahan na lang,” dagdag pa niya.
Labis-labis ang pasasalamat ni Nar sa kanyang kaibigan na si Jennylyn Mercado na siyang nag-produce ng nasabing kanta.
“Tumatambay lang kami sa bahay niya ‘tapos nag-sound trip and then na-mention ko na gusto ko rin maglabas ng songs. ‘Tapos nu’ng napakinggan niya, sabi niya, ‘Ako na. Ako na ‘yan. Ako na’ng bahala. Ipro-produce ko na ‘yang Gaga.”
Distributed by GMA Records, ang Gaga available na sa iTunes, Spotify, Amazon Music, Deezer & Google Play.