Kung ikaw ay health professional, may magandang balita sa’yo si Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel.

Sinabi ni Pimentel kahapon na nangangalap ang pambansang pamahalaan ng karagdagang 25,000 health professionals para italaga sa kanayunan sa susunod na taon sa ilalim ng iba’t ibang provisional staff augmentation programs.

Binuksan ng Department of Health (DoH) ang application windows sa regional offices nito para sa 20,527 nurses, 3,108 midwives, 446 physicians at 324 dentists — lahat ay para sa deployment sa kanayunan simula Enero 2, 2018 hanggang Disyembre 31, 2018, ayon sa mambabatas.

“We’ve already set aside P9.7 billion to pay for their salaries and benefits next year,” aniya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ng DoH na hindi man magiging regular ang mga makukuha, tatamasa naman sila ng parehong suweldo ng kanilang mga katapat na may permanenteng posisyon sa gobyerno.

Halimbawa, ang nurses ay tatanggap ng P29,000 suweldo at mga benepisyo, habang ang physicians ay tatanggap ng P70,000 plus benefits, batay sa mas mataas na pay rates na nakatakdang ipatutupad sa Enero 1, 2018, sa ilalim ng Salary Standardization Law of 2016.

Nagsimula na ang recruitment at selection ng mga karagdagang health professionals nitong Oktubre 1 at magtatagal ito hanggang sa Disyembre 31 ngayong taon.

Maaaring i-download ang application forms sa DoH website. - Ellson Quismorio