Nina BELLA GAMOTEA at MARY ANN SANTIAGO

Titiyakin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan na walang commuter na maaapektuhan sa dalawang-araw na malawakang tigil-pasada ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at ng No To Jeepney Phaseout Coalition na sisimulan bukas.

Katuwang ng MMDA ang ilang ahensiya ng gobyerno, tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Public Works and Highways (DPWH), maliban pa sa ayuda ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang tumulong at mag-alok ng libreng sakay sa mga pasaherong walang masasakyan sa kasagsagan ng transport strike.

Sinabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na aabot sa 41 service vehicle, kabilang ang 10 bus, ang ipakakalat ng ahensiya sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang tiyakin na hindi mapaparalisa ang transportasyon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Nabatid na anim na shuttle bus din ang inilaan ng DPWH, dalawang military truck mula sa PCG, at 15 military truck ng Joint Task Force-National Capital Region ng AFP para sa mga pasahero.

Aniya, tinitiyak ng MMDA na walang mai-istranded na commuter na papasok sa trabaho o eskuwelahan, hanggang sa pag-uwi ng mga ito.

SAAN ANG LIBRENG SAKAY?

Ang staging area para sa libreng sakay ay matatagpuan sa MMDA Metrobase sa Orense Street sa Guadalupe, Makati; mayroon din sa Camp Aguinaldo sa Quezon City; sa Monumento-EDSA sa Caloocan City; sa Luneta Parade Ground sa Maynila; HK Plaza sa Pasay City; at SM sa Marikina City.

Sinabi pa ni Pialago na mas maraming sasakyan ang ide-deploy sa Commonwealth Avenue dahil inaasahang maraming miyembro ng PISTON ang magtitigil-pasada sa nasabing abalang kalsada.

Sa Maynila, inalerto ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang lahat ng emergency units ng lungsod upang alalayan ang mga pasahero at motorista kasabay ng pagbibigay ng libreng sakay sa mga mai-stranded sa kalsada.

Ayon kay Chief Insp. Alejandro Pelias, officer-in-charge ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), dalawang 6x6 truck ng pulisya ang magbibigay ng libreng sakay, partikular sa rush hour.

Ilan sa priority areas ang España Avenue, Ramon Magsaysay Boulevard, Legarda Avenue, Recto Avenue, at Retiro, ayon kay Chief Insp. Pelias.

PAKIUSAP NG KAPWA TRANSPORT GROUPS

Magdaraos din ng transport strike sa iba’t ibang probinsiya kontra sa modernization program at plaong jeepney phaseout ng pamahalaan.

Kaugnay nito, nakikiusap naman sa PISTON at No To Jeepney Phaseout Coalition ang mga lider ng limang transport group na huwag nang ituloy ang tigil-pasada dahil nakapeperhuwisyo lamang ito sa mga pasahero, gayundin sa mga jeepney operator at driver.

Kinumpirma noong nakaraang linggo ng mga lider ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (PASANG MASDA), na hindi sila lalahok sa dalawang-araw na transport strike.

Ang kaparehong grupo ang nagsusulong ng P2 taas-pasahe sa jeep.

WALANG PASOK

Una nang kinansela ang klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan sa Makati City dahil sa transport strike, gayundin sa lahat ng antas sa National Teachers College sa Maynila; sa Davao City; sa San Fernando City, Pampanga; sa San Mateo, Rizal; at sa University of Santo Tomas (UST) sa Legazpi City, Albay.

May ulat ni Alexandria Dennise San Juan