SA pagbisita ni Pope Francis sa Myanmar at Bangladesh sa susunod na buwan, masisilayan natin ang isang pinunong Kristiyano na pursigidong tumulong upang ganap nang matuldukan ang krisis sa pagitan ng gobyernong Buddhist at ng minoryang grupo ng mga Muslim sa tinagurian ng United Nations na kaso ng “ethnic cleansing”.
Daan-daang libong Rohingya ang lumikas patungo sa Bangladesh makaraang sumiklab ang karahasan sa pagitan ng puwersang pangseguridad ng Myanmar at ng minoryang grupong etniko na nakatira sa kanlurang Myanmar. Nabubuhay ang mga Rohingya simula pa noong ikawalong siglo, noong ang kanilang rehiyon ay pinamumunuan ng kaharian ng Arakan. Gayunman, opisyal na naninindigan ang Myanmar na mga illegal immigrant mula sa karatig na Bangladesh ang mga Rohingya at tinawag silang mga Bengali.
Tinanggihan ng citizenship alinsunod sa Myanmar Nationality Law of 1982, naging biktima ng pagkamuhi at diskriminasyong pangrelihiyon ng mga “ultra-nationalist Buddhist” ang mga Rohingya, ayon sa report ng United Nations, habang dumanas naman sila ng hindi makatwirang pagdakip, pagkapiit, sapilitang pagtatrabaho, walang dahilang pagpatay, at pagdukot sa kamay ng puwersang Myanmar, ayon sa ulat ng UN.
Pagkatapos ng malawakang kampanya ng militar ng Myanmar laban sa kanila nitong 2016 at 2017, napatay ng mga Rohingya ang 12 sa puwersa ng Myanmar. Dito na nagsimula ang “clearance operations” ng gobyerno na nagresulta sa 3,000 pagkasawi, panununog sa mga komunidad, at paglikas ng daan-daang libo patungong Bangladesh.
Ang masalimuot na sitwasyong ito ng “religious and political minefield” ang dadatnan ni Pope Francis sa Nobyembre 26, sa pakikipagharap niya sa pangunahing civilian leader ng Myanmar na si Aung Sung Kyi at sa iba pang opisyal ng gobyerno. Makikipagpulong din siya sa supreme council ng mga Buddhist monk ng Myanmar, na nananatiling tikom ang bibig sa gitna ng lumulubhang Rohingya crisis.
Mula sa Buddhist na Myanmar, didiretso ang Santo Papa sa Bangladesh, na karamihan sa 160 milyong populasyon ay Muslim, at may sariling kasaysayan ng karahasang pulitikal, kabilang ang pamamaslang sa dalawang presidente, at simula noong 2013 ay dumadanas ng mga pag-atake mula sa mga grupo ng militanteng Muslim.
Ang buong mundo — hindi lamang ang mga Kristiyanong pinamumunuan niya — ang mananalangin para kay Pope Francis sa misyon niyang ito. May mga nagpahayag ng pangamba para sa kanyang personal na kaligtasan, partikular na sa Bangladesh kung saan pinupuntirya ng mga militanteng Islam ang mga minoryang relihiyon, mga nagsusulong sa gay rights, at mga dayuhang nagkakawanggawa.
Gayunman, hindi kailanman nagpatinag si Pope Francis sa mga itinuturing na banta sa kanyang kaligtasan at determinadong ituloy ang kanyang biyahe sa Nobyembre 26-Disyembre 2. Sakaling makatulong ang pagbisita niyang ito upang matuldukan na ang humanitarian crisis ng mga Rohingya sa Myanmar, masasabing naging matagumpay ang tinatawag ng Vatican na misyon ng kapayapaan, kaayusan, at pagmamahalan sa kabila ng magkakaibang pananampalataya.